Interfaith Prayer Rally para pagkasunduin sina Marcos at Duterte, nakatakdang isagawa

Interfaith Prayer Rally para pagkasunduin sina Marcos at Duterte, nakatakdang isagawa

ISANG araw bago ang Araw ng mga Puso ay nanawagan ang ilang religious groups sa mga Marcos at Duterte na magkaayos at tigilan na ang bangayan.

Sinabi kamakailan ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na gumagamit ng cocaine si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Bumanat naman si Marcos na may tama ng fentanyl na isang pain killer ang dating pangulo.

Ito na ang banatan ngayon nina Marcos at Duterte na para sa mga taga-simbahan ay nakasisira sa bayan.

Kaya upang maayos pa ang hidwaan ng dati at kasalukuyang lider ng Pilipinas, isang National Interfaith Prayer Rally ang isasagawa ng iba’t ibang religious organizations sa bansa.

“Sumama at pangunahan ang isa pong nationwide prayer gathering na amin pong io-organize kasama ng lahat ng religious groups all over the Philippines para sa ganun ang ating bayan sa kanilang kapanahunan at this point in time ay makalapit sa Diyos,” pahayag ni Greco Belgica, Former PACC Chairman.

Si Belgica ay kasapi ng grupong Covenant for the Nation o ng mga kagaya niyang faith leaders na nais magkabati sina Marcos at Duterte.

At walang iba pang solusyon dito kundi kumapit sa dalangin.

“Magpakumbaba at humingi ng guidance upang pagpalain ang ating bansa at you know kung kanilang both desire to make a better Philippines,” dagdag ni Belgica.

Saad ni Belgica, suportado ng malalaking religious groups ang ideya at maayos ang gusot sa pagitan ng dalawang panig.

Hangad din ng grupo na mapigilan ang banta ng panibagong EDSA People Power.

Bagay na hindi nalalayo kapag nagpatuloy ang bangayan nina Marcos at Duterte.

“Masaya po naming sinasabi na positibo ang response ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa prayer gathering pong ito,” ani Belgica.

May mga nakausap na rin umano si Belgica sa pamilya ni Pangulong Marcos para sa opisyal na imbitasyon.

Isasapinal naman ng grupo kung kailan at saan gaganapin ang aktibidad.

“Kasama po natin sa panawagang ito, na kami pong nanawagan kasama ng mga simbahan, dating opisyal ng gobyerno at dating mga sundalo at pulis, atin pong mga kasama and I’m happy to announce that all major groups, all major religious groups already gave to their positive response to join,” ani Belgica.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter