Internal disciplinary machinery ng PNP, dapat palakasin –ex-police official

Internal disciplinary machinery ng PNP, dapat palakasin –ex-police official

NANINIWALA ang isang dating opisyal ng pulis na ang susi upang malinis ang hanay ng kapulisan ay palakasin ang internal disciplinary machinery ng Pambansang Pulisya.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Ret. Col. Rodrigo Bonifacio ng Peoples Volunteers Against Illegal Drugs (PVAID), sinabi nito na hindi na bago ang kinkaharap ngayon ng PNP.

Kahit noon pa sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay hindi rin basta-basta ang ginawang internal cleansing sa hanay ng kapulisan.

“Actually yung nangyayari ngayon sa Philippine National Police ay hindi na bago kasi yung naging problema natin sa ating drug problema even before the assumption of President Duterte ay talagang nanjan na,” saad ni Ret. Col. Rodrigo Bonifacio, Peoples Volunteers Against Illegal Drugs.

Hindi rin aniya maiiwasan sa isang organisasyon na magkaroon ng isyu.

“Ang bawat organisasyon ay meron tinatawag na misfits and scalawags, kakaunti lamang yan at nakatira sa isang bahay na maganda kaya kung susunugin mo yan ay kawawa naman yung iba na wala namang titirhan, kakaunti lang yan at para sa kaalaman ng ating kababayan, meron pong tinatawag na internal disciplinary machinery ang ating Philippine National Police, ganun din ang ang ating Philippine Drug Enforcement Agency, so dapat yun ang palakasin natin,” dagdag nito.

Sinabi rin nito na dapat ilagay sa tinatawag na ‘order of battle’ ang mga tiwaling pulis.

Mayroon din dapat cluster na hahawak sa mga pulis na sangkot sa krimen o anumang iligal na gawain.

Sa pamamagitan aniya nito ay hindi na magugulo ang buong organisasyon

“Kakaunti lamang yang mga involve sa illegal drug trafficking, yung mga drug lord protector at financiers na pwedeng ilagay sa isang order of battle at ang gagawin ng ating ahensya ay mag-create ng sinasabing cluster, perhaps consisting of the director for legal service yung ating criminal investigation and detection group, nanjan din yung ating internal affairs service under one cluster,” aniya pa.

Nagbigay rin ito ng mensahe sa mga publiko.

“Well wag po kayong mawawalan ng pagtiwala, kasi po itong pinagdaraanan ng ating PNP at ng PDEA ay bahagi lamang ng ating administrasyon, hindi po nagpapabaya dito ang ating pamunuan, ang ating Pangulo, kami kami po ay nagtutulong-tulong dito na kung papaano maresolba ang ating estado laban sa iligal na droga kahit hindi po kami accredited sa national agency pinipilit po namin para effective yung aming paggalaw,” aniya.

Sa huli sinabi ni Ret. Col Bonifacio na maganda ang nasimulan ni dating Pangulong Duterte at dapat lang na ito’y ipagpatuloy.

 

Follow SMNI News on Twitter