International inbound arrivals sa NAIA, lilimitahan sa 1,500 simula bukas

EPEKTIBO simula bukas, Marso 18 hanggang Abril 19, 2021 ay lilimitahan sa 1,500 kada  araw ang international inbound arrivals sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)  base sa Civil Aeronautics Board.

Magsisimula dakong alas 8:00 ng umaga ang pagpapatupad sa nasabing direktiba upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 ngayong mas tumataas ang bilang ng aktibong kaso nito lalo na sa Metro Manila.

Inaasahan na magkakaroon ng kanselasyon ng maraming international flights dahil sa paglimita ng inbound arrivals sa NAIA.

Pero ayon kay Philippine Airlines Spokesperson Cielo Villaluna, fully operational ang kanilang international flights sa Marso 18.

Gayunpaman, maglalabas aniya sila ng anunsiyo ng kanselasyon sa susunod na araw.

Pinapayuhan ang mga pasahero na makipag-ugnayan muna sa kanilang airlines kung may international flights sa nakasaad na petsa upang hindi maabala.

Nitong Lunes, Marso 15, naitala ang pang-apat na pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa loob ng 24-oras simula nang magkaroon ng pandemya na umabot sa 5,404 na bilang.

Ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 ay iniuugnay sa pagkadiskubre ng bagong COVID-19 variant na mas nakahahawa na tinawag na P3.

Matatandaan na nagpatupad ang Metro Manila mayors ng unified curfew at binawalang lumabas sa bahay ang menor de edad.

Ipinatutupad din ang pagbabawal sa pagbenta, pagbili, at pag-inom ng alak sa ilang lugar sa Metro Manila.

(BASAHIN: Pagpalit ng pangalang NAIA mula sa dating MIA, iligal —Atty. Gadon)

SMNI NEWS