Internet scam, talamak pa rin sa Pilipinas—DICT spox

Internet scam, talamak pa rin sa Pilipinas—DICT spox

MARAMI pa rin ang mga nabibiktima ng iba’t ibang uri ng scamming partikular sa internet.

Kabilang sa talamak na internet scams ang online shopping scam kung saan maraming nabibiktima ng peke o mababang kalidad na produkto; mayroon ding nabibiktima ng bank scam kung saan may mga text o email na may pinapa-click na link tapos hihingi ng personal information.

Talamak din ang love scam, investment scam, brand impersonation scam, at iba pa.

Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Spokesperson Assistant Secretary Renato Paraiso, hindi lamang sa Pilipinas ang mayroong maraming klase ng panloloko o scam sa internet, bagkus, nangyayari din ito sa buong mundo.

Nauna nang inihayag ng DICT na ang pandaigdigang problema ng online scam ay patuloy na tinutugunan ng lahat ng cybersecurity agencies ng iba’t ibang mga bansa.

Sa harap ng kabi-kabilang online scam sa bansa, sinabi ni Paraiso na malaking problema rito ay ang kawalan ng kaalaman sa paggamit ng internet.

Phase 2 at 3 ng National Fiber Backbone Plan, inaasahang matatapos sa Marso ngayong taon

Samantala, nagbigay ng update ang DICT tungkol sa National Fiber Backbone Plan na binubuo ng six phases.

Inilahad ni Paraiso na ang Phase 1 ng proyekto ay kumpleto na habang ang Phase 2 at 3 ay inaasahang matatapos sa Marso o Abril ngayong taon na inaasahang sumasaklaw sa Hilagang Luzon hanggang Bicol at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Mayroon namang 288 million dollar loan mula sa World Bank para naman makumpleto ang Phase 4 at 5 na inaasahan namang magpapalawak pa ng koneksiyon sa buong Visayas at Mindanao.

Habang ang Phase 6 ay makakarating sa mga pinakaliblib na probinsiya partikular sa Regions I, III, IV-B at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble