SAPAT na dahilan na ang guilty verdict ng Tagum RTC Branch 2 kay ACT Teachers Rep. France Castro sa kasong child abuse upang mapatanggal na siya sa pwesto ayon ito sa NTF ELCAC Legal Cooperation Cluster. Ganito rin naman ang panawagan ng Ilang IP leaders sa Talaingod, Davao del Norte.
Ayon kay Datu Andigao Agay, Municipal Indigenous People Mandatory Representative sa Talaingod, Davao del Norte, dapat lang mawala na sa pwesto si France Castro dahil wala naman itong magandang dulot.
‘’Dapat talagang tanggalin sa kongreso dahil siya ang nagdudulot ng hindi maganda sa pamahalaan,’’ ayon kay Datu Andigao Agay IPMR, Talaingod, Davao del Norte.
Guilty si Castro sa kasong child abuse o paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Kasama ni Castro sa guilty verdict si dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at 11 pang indibidwal na kasama nila.
Ito’y kaugnay sa nangyari noong 2018 kung saan nahuli ang kanilang grupo na itinatakas ang 14 na mga menor de edad na mga IP mula sa Talaingod Davao del Norte.
Una nang ibinasura ng korte ang depensa ng mga akusado na bahagi ng kanilang educational mission ang ginawang recruitment sa mga kabataang katutubo.
Nasa halos limang taon ang parusang tatanggapin nina Castro at Ocampo.
Pero para kay Datu Andigao, hindi pa ito dapat.
‘’Kami, mga pinuno ng tribo, ay sang-ayon na dapat talaga siyang makulong. Hindi siya dapat palayain. Hanggang sa kamatayan niya. Doon na siya mamamatay sa kulungan,’’ saad ni Datu Andigao Agay IPMR, Talaingod, Davao del Norte.
Samantala, sa kanilang joint statement, iaapela nila ang hatol sa kasong child abuse hanggang Korte Suprema
Ayon naman kay Bae Pilar Libayao, ang tribal Chieftain sa Talaingod, kung sakaling matuluyang matanggal sa kongreso si Castro, magandang bagay Ito upang wala nang manggulo sa mga kanilang ancentral domain.
‘’Mas mabuti para wala nang manggugulo dito sa bundok. Mahirap talaga kapag may gulo. Dahil hindi na makakapaghanapbuhay ang mga tao rito. Lalo na’t mga mahihirap, siyempre magsisikap sila na makahanapbuhay. Mahirap talaga kung palagi na lang tayong aasa sa gobyerno,’’ ani Bae Pilar Libayao Tribal Chieftain, Talaingod, Davao del Norte.
Matatandaan ang mga makakaliwang grupo sa kongreso—ACT Teachers, Gabriela Womens Party, at Kabataan Partylist ay itinuturong urban operative ng komunistang terroristang grupong CPP NPA NDF.