Ipatutupad na bagong batas sa California, kailangang ipakita ang suweldo sa bawat alok na trabaho

Ipatutupad na bagong batas sa California, kailangang ipakita ang suweldo sa bawat alok na trabaho

KAMAKAILAN ay nilagdaan sa California ang isang bagong batas na gagawing mandatoryo sa mga employers na ilahad ang magiging suweldo para sa bawat trabaho na iniaalok ng mga ito.

Nilagdaan ni California Gov. Gavin Newsom ang isang bagog batas na nag-aatas sa mga kompanya na nag-aalok ng trabaho na isama ang mga hanay ng suweldo upang matiyak ang patas na pagpapasweldo sa lahat lalo na sa mga kababaihan.

Sa ilalim ng SB-1162, ang mga employer na may 15 o higit pang manggagawa ay kailangang ipakita ang hanay ng mga suweldo sa mga inaalok na trabaho, habang ang mga may 100 o higit pang empleyado ay kailangang mag-ulat ng median at mean hourly rate ng suweldo ayon sa kategorya ng trabaho kasama ang kumbinasyon ng lahi, etnisidad, at kasarian.

Ang batas ay mag-aatas din sa mga kompanyang may 100 o higit pang mga manggagawa na tinanggap sa pamamagitan ng mga ahensya na tinatawag na third-party staffing na magsumite ng mga ulat sa data ng bayad sa California Civil Rights Agency para sa mga manggagawang iyon, na nakasaad ang kasarian, lahi at etnisidad.

Sinusuportahan nito ang isang panukalang batas na nilagdaan ni Governor Newsom noong 2020 na tukuyin ang mga pattern ng disparidad ng sahod sa pamamagitan ng mandatong pag-uulat ng data ng suweldo sa buong estado.

Ayon sa pagtatantsya ng U.S. Census Bureau, ang mga kababaihan ay kumikita ng 82 cents para sa bawat isang dolyar na kinikita ng isang lalaki, at lumalawak ang agwat lalo na sa mga kababaihang kabilang sa people of color.

Follow SMNI NEWS in Twitter