NAGSIMULA nang ipatupad ng Department of Agriculture (DA) ang P58 na Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa imported na bigas.
Sabi ng DA—maraming mga pamilihan sa Metro Manila ang nakasunod nito.
“Doon sa mino-monitor natin na palengke ay compliant itong Las Piñas, Marulas, Mandaluyong, Marikina, Maypajo, Pasig, Obrero, Malabon, Quinta, Pritil, Kartimar, Navotas, at San Andres,” wika ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
Ngunit, pinuntahan ng SMNI News Team ang Guadalupe Market sa lungsod ng Makati upang alamin kung may mga rice retailer bang tumalima sa nasabing kautusan.
Pagdating sa Guadalupe Market, nakita natin na karamihan sa mga tindahan sa loob ng naturang palengke ay hindi naman nakasunod sa Maximum SRP ng DA.
Ang tindahan ni Aling Carmelita Limosnero nasa P60 pa rin ang presyo ng kada kilo ng ilang brands ng imported rice.
Pero, paliwanag niya.
“’Yung presyo ay ganon pa rin hindi pa naman nagbabago, medyo mataas pa rin hindi pa rin bumababa. Ubusin muna namin ang paninda namin na dati naming binili naming mataas,” ayon kay Carmelita Limosnero, Rice Retailer.
May ilang brands naman aniya ng bigas na bumaba na ang presyo gaya ng regular at well-milled ‘yun nga lang ay lokal na bigas ang mga ito.
Hindi rin naman aniya puwedeng ibaba na lamang nila ito agad sa P58 dahil wala silang tutubuin.
Bukod pa diyan, mahal ang binabayarang renta sa puwesto lalo na ang Guadalupe Market ay isang pribado.
“Puwesto—commercial sahod ng mga boy kaya hindi masyado mababa. Kung ibababa naman namin ng sobra paano na lamang ng puwesto—mahal ang puwesto—saan kami kukuha? ‘Yan naman ang kinukuhaan diyan lang naman sa bigas,” wika ni Carmelita Limosnero, Rice Retailer.
Ang tindahan naman ni Aling Matilde Cristobal sa kapareho pa ring palengke ay nakapagbenta naman ng P56 hanggang P58 gaya ng imported na sinandomeng at coco pandan rice.
Pero—ang isang brand naman niya ng imported na bigas ay ibinenta rin naman niya sa P59 na bahagyang mas mataas sa itinakdang MSRP.
“Stocks ko pa ‘yan dati pero mauubos na rin ‘yan gagawin ko pa rin ‘yan kapag may dumating na ako gagawin ko ‘yang P58,” wika ni Matilde Cristobal, Rice Retailer.
Ngunit—hindi pa rin aniya masabi ni Aling Matilde na ang makukuhang imported rice mula sa kaniyang supplier ay mura ang bili.
Kaya naman dapat lang aniya na tulungan sila ng gobyerno na makahanap ng murang suplay para maibenta nila nang mababa.
Hindi naman aniya kasi maitatanggi na tuwing nagpapatupad ang gobyerno ng mga ganitong kautusan ay hindi naman nagtatagal.
“Harinawa, harinawa, hindi ningas kugon,” Matilde Cristobal, Rice Retailer.
Sabi naman ng DA, monitoring muna ang kanilang gagawin at wala munang hulihan.
Pero—isusumite anila nila sa Department of Trade and Industry at mga lokal na pamahalaan ang listahan ng mga palengke na hindi tumalima.
Asahan anila na sa mga susunod na linggo ay magkakaroon ng review sa ipinatupad na MSRP kung saan posibleng ibaba ito sa P55.
“Again, ‘yung P58 was set dahil to give time doon sa lahat ng players sa value chain to check ‘yung kanilang mga contracts na ma-release ‘yung mga old stocks nila,” saad ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
Nauna na ring sinabi ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na ang ipinatupad na Maximum SRP sa imported rice ng DA ay patunay na failure o bigo ang gobyerno sa implementasyon ng Executive Order Number 62.
Ito ‘yung ibinabang 15% na taripa sa imported agricultural products mula sa 35% dahilan kung bakit bilyun-bilyong piso raw ang nawala sa gobyerno na mailalaan pa sana sa mga programa para sa mga magsasaka.
Follow SMNI News on Rumble