ITINUTURING ng Department of Justice (DOJ) na urgent ang pagpapalabas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa implementasyon ng SIM Card Registration Act.
Ito ay para malabanan ang online sexual exploitation sa mga bata sa bansa.
Sa huling araw ni UN Special Rapporteur on the sale and sexual exploitation of children na si Mama Fatima Singhateh, nag-courtesy call ito kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, alas onse ng umaga, araw ng Huwebes.
Nobyembre 28 nang dumating si Singhateh sa Pilipinas para alamin ang mga naging pagsisikap ng bansa para malabanan ang pagbebenta o exploitation ng mga bata sa Pilipinas.
Ayon kay DOJ Secretary Remulla, isa sa mga naibahagi niya kay Singhateh ay dapat nang madaliin ng Kongreso ang pagbalangkas ng IRR para sa SIM Card Registration Act.
Nagiging daan din daw kasi ang SIM card o ang telco sa talamak na bentahan o exploitation sa mga bata.
Makakatulong aniya ang batas para matukoy ang perpetrators.
“And the urgency to come up with the implementing hopefully hindi na magiging mahirap ang pagsusulat kasi kumita rin naman sila eh. Tama na, dapat yong mga bata pangalagaan muna natin, biggest tool cue out: kasi ang telco sa exploitation ng mga bata,” pahayag ni Remulla.
Ayon sa DOJ, nangunguna ang bansa pagdating sa mga kaso ng Child Abuse and Exploitation.
Kailangan na aniyang kumasa ng mga hakbang para mapigilan ang mga pambubugaw sa mga bata.
Saad pa ng kalihim, mahalaga na makagawa ang Western countries ng filtering mechanism para mapigilan ang kalaswaan gamit ang internet.
Sa kabilang banda, isinaad naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, isa sa mga author ng SIM Card Registration Act na hindi ang Kongreso kundi ang National Telecommunications Commission (NTC) ang kailangang gumawa ng IRR.
Pero giit ng senador, kahit wala ang IRR ay maaari nang ipatupad ang batas.
Matatandaan buwan ng Oktubre ng kasalukuyang taon nang pirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang panukala para sa SIM Card Registration Act para maging batas.
“Wala kaming pakialam sa IRR dahil sila (NTC) ang gagawa ng IRR. Kung sabihin mo kung kelan implementable ang batas, with or without IRR that law is stricted 15 days after publication by atleast two newspapers of the national circulation. So, after 15 days, na-publish yan, effective na ang batas with or without the IRR,” ani Dela Rosa.
Ilan sa mga probisyon ng batas ay maipa-register ng bawat Filipino ang kanilang mga SIM card kasama ng kahit anong government issued identification document.
Ang mga telco ay required na magkaroon ng SIM Card Register ng kanilang subscribers.
Ang mga law enforcement agencies kung magsasagawa ng probe o imbestigasyon ay maaring kunin sa mga telco ang identification ng kanilang mga subscribers.
“They have to cooperate otherwise they are liable sa batas na ‘yan, mananagot sila. Kapag hindi nila magagawa yan mananagot sila sa batas,” ayon sa senador.
Sinabi naman ni Remulla na para hindi na makalusot sa bansa ang mga posibleng perpetrators, hiling ng kalihim na magkaroon ng sharing of data base mula sa iba’t ibang bansa.