PINAGHAHANAP na ng Land Transportation Office (LTO) ang isa pang suspek sa nakaw na plaka modus sa planta ng ahensiya na umano’y mastermind.
Ito ang kinumpirma ni LTO Chief Vigor Mendoza, II sa katatapos lang na press conference.
Bukod pa aniya ito sa tatlong empleyado na sangkot sa nakaw plaka modus na iprinisenta pasado 7:00 ng umaga Biyernes.
Paliwanag ni Mendoza, isang taon na nilang minamanmanan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ang kaduda-dudang aktibidad sa loob ng planta ng ahensiya.
Matapos ang inisyal na imbestigasyon, nitong Lunes sumulat na ang LTO sa Department of Interior and Local Government (DILG) para magpatulong na nagresulta sa pagkaaaresto ng mga suspek.
Giit pa ni Mendoza, hindi lang basta pagnanakaw ng plaka ang modus kung hindi sila mismo ang nagma-manufacture nito o ‘made to order’ at ibinebenta sa P5,000-P10,000 kada piraso.
Umabot na sa higit 40 pares na plaka ang ninakaw ng mga grupo.
Kinukuha ang mga plaka sa planta at inilalagay sa likod ng mga damit nila.
Dahil dito, paiimbestigahan ni Mendoza ang buong hanay ng LTO kaugnay ng nabistong nakaw plaka modus sa planta.