ARESTADO sa ikinasang entrapment operations ng Caloocan police nitong Miyerkules ang isang babaeng nagpapanggap na empleyado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para makapanloko.
Ayon kay Caloocan police OIC PCol. Ferdinand del Rosario, kinilala ang suspek na si Myra Table Mangitngit mula Padas Alley, Barangay 12 ng lungsod.
Sa Intelligence report ng kapulisan, nagpapakilalang product development manager ng DSWD ang suspek at modus nito ang manghingi ng pera sa mga biktima kapalit ang trabaho sa 4Ps.
Ani Del Rosario, marami-raming biktima ang dumulog sa DSWD upang ireklamo ang kalokohan ng suspek.
Kung saan, hinihingian ang mga ito ng higit P3,000 para sa processing at membership fee umano upang makapagtrabaho sa 4Ps program.