ISINAPUBLIKO ng Philippine National Police (PNP) katuwang ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang isang Canadian national na itinuturong may malaking papel sa nasabat noon na mahigit isang toneladang shabu sa Alitagtag, Batangas.
Kinilala ito na si Thomas Gordon O’Quinn o alyas James Martin, isang Canadian national na isang notoryos na narcotics trafficker na target din ng INTERPOL.
Sa press briefing sa Kampo Krame, kinumpirma mismo ni Interior Secretary Benhur Abalos na isang major player si O’Quinn sa itinatakbo ngayon ng imbestigasyon sa nasabing malaking shabu sa Batangas.
“He is one of those, talagang right now masasabi ko, he is one o the main characters there, inaano lang namin ‘yung mga ebidensiya sa ngayon,” pahayag ni Sec. Benhur Abalos, DILG.
Kinumpirma rin ng mga awtoridad na nahulihan din ng shabu at cocaine si O’Quinn nang madakip ito ng mga pulis.
“When he was arrested kasi kasama po ‘yung immigration may dala po silang shabu and cocaine doon sa paghuli po sa kanya,” saad ni Sec. Benhur Abalos, DILG.
Iba pang dayuhan na may kaugnayan sa 1.4 tons shabu sa Batangas, pinaghahanap na rin ng mga awtoridad—DILG
Bukod naman kay O’Quinn, mayroon pang ibang dayuhan na sangkot sa kaso kasabay nito ang muling pakiusap ng PNP at DILG na hanggang dito na lamang muna ang maibibigay nilang impormasyon sa publiko habang isinasagawa ang malalimang imbestigasyon.
“Definitely he is not the only foreigner that’s how we see it. Mayroon pang iba, thats only I can tell right now. Mayroon pa kami ibang nakita dito,” dagdag ni Abalos.
“Tuluy tuloy po ang pagpa-file namin ng cases against these people and we will not stop until mahuli po namin, sla at ‘yung buong sindikato po dito,” ayon kay PGen. Rommel Francisco Marbil, Chief, PNP.
Pagkakasangkot ng foreign drug traffickers sa Batangas haul, ‘di dapat ikaalarma—DILG
Sa kabilang banda, sa kabila ng mga isinawalat na maraming dayuhan ang posibleng sangkot sa Alitagtag shabu haul, sinabi ng pamahalaan na hindi ito dapat na ikaalarma dahil natutugunan pa rin naman anila ang problema ng ilegal na droga sa bansa.
“I tell you this, kaya nahuli natin, hindi lang nahuli ‘yung droga pati ‘yung taong nasa likod nito ay halos ito na po,” dagdag ni Abalos.
“Hindi po kami humihinto na nahuli po namin ang 1.4 tons na tapos na. Tinitingnan po namin, sino pa ba talaga to? Can we just stop the syndicate at sino ang binabagsakan ng mga shabu na ito. So, at the end of the day, talagang makikita natin na our effort is not only doon sa ibaba, but really to eradicate po ‘yung drug coming from outside ng country natin,” wika ni Marbil.