PINAIIMBESTIGAHAN na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang isang dayuhan kung papaano nakuha ang uniporme ng pulis na ginamit nito bilang costume sa dinaluhang Christmas party ng isang kompanya ng sasakyan.
Ayon sa PNP, malaking paglabag ito sa kanilang polisiya lalo pa’t hindi miyembro ng Pulisya ang nasabing dayuhan.
‘’We would like to remind the public particularly sa Article 15179…bawal po ang paggamit ng police na identified sa enforcement agencies including PNP… sa set ng uniform na sinuot niya,’’ ayon kay PBGen. Jean Fajardo.
Bukod sa nagsuot ng uniporme, isa rin sa mga iimbestigahan kung kanino galing ang police uniform habang maaari namang makulong hanggang anim na buwan ang sinumang lalabag dito.
‘’Kailangan nating imbestigahan kung saan nakuha, hiniram lang ba,..lahat po nito ay ating iimbestigahan,’’ saad ni Fajardo.
Matatandaang, hindi lang isang beses nagamit ang mga uniporme ng pulis sa mga pagtitipon ng walang pahintulot.
Kadalasan, nagagamit din ito sa mga krimen gaya ng pagnanakaw, robbery extortion at iba pang uri ng krimen pero agad rin naman anila itong niriresolba sa pamamagitan ng pagkakaso sa mga sangkot dito.