NASAWI ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos maka-engkwentro ang militar sa Barangay Alagatan, Gingoog City, Misamis Oriental.
Ayon kay Lieutenant Colonel Christian Uy, commanding officer ng 58th Infantry Battalion, nakaharap nila ang nasa 8 rebelde na pinaniniwalaang natitirang miyembro ng Platoon Falcon, Sub-Regional Committee 1, North Central Mindanao Regional Command.
Tumagal ng 20 minuto ang palitan ng putok na nagresulta sa pagkasawi ng isang rebelde na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Nakuha sa lugar ang M16 rifle, at dalawang backpack.
Nanawagan ang militar sa natitirang rebelde na ibaba na ang kanilang armas at magbalik-loob sa batas.
Makakaasa aniya ang mga rebelde na may nakahandang programa ang gobyerno para sila ay makapagbagong buhay kasama ang kanilang pamilya.