Isang kilalang ecotourism spot sa Panabo City, tinungo ng SPM para sa “Kalinisan: Tatag ng Bayan” Cleanliness Drive

Isang kilalang ecotourism spot sa Panabo City, tinungo ng SPM para sa “Kalinisan: Tatag ng Bayan” Cleanliness Drive

NAGPAPATULOY ang isinagawang coastal cleanliness drive ngayon sa dalampasigan ng Purok Cogon, Barangay J. P. Laurel, Panabo City dito sa Davao del Norte bilang bahagi ng “Kalinisan: Tatag ng Bayan” na inisyatibo ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa pamamagitan ng Sonshine Philippines Movement (SPM).

Kaninang ala-siyete ng umaga, masayang nagtipon-tipon ang mga boluntaryo sa barangay hall ng Barangay J.P. Laurel dahil excited sila na muling makiisa sa isa na namang makakalikasang gawain.

Napili ang isang tanyag na ecotourism spot na kilala sa tawag na Panabo Mangrove Forest Park.

Ito ay isang 73-hectares na sangtuwaryo ng mga bakawan na pinapangalagaan ng lokal na pamahalaan ng Panabo.

Bagaman tanyag ang lugar sa libu-libong nakatanim na bakawan na dinarayo pati ng mga vlogger, sa pagpunta namin dito—agaw pansin ang mga nagkalat na basura o debris na resulta ng iresponsableng pagtatapon ng mga residenteng malapit sa lugar.

Ayon sa CENRO ay nagsasagawa sila ng information and education campaign kada buwan ngunit hindi pa rin makontrol ng LGU ang komunidad sa pagtatapon ng mga basura na nakaapekto—lalo na sa mga maliliit na bakawan.

Kaya naman napili ng Sonshine Philippines Movement ang naturang lugar upang maging katuwang na rin ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng dalampasigan at kabuuang lugar.

Ang Panabo Mangrove Forest Park kasi ay naitayo upang ma-preserba ang mga bakawan dito dahil sa buong Davao del Norte, sa Panabo City ang may pinakamalaking mangrove area.

Samantala, nakiisa sa naturang aktibidad, ang mga iba’t ibang ahensiya ng gobyerno gaya ng City Environment and Natural Resources Office Ng Panabo, Philippine National Police Panabo City; kasama rin ang mga college students ng Northlink Technological College Incorporated at mayroon ding mga pribadong grupo at indibidwal na mga environment advocates.

Ang mga boluntaryo at local officials ay saludo at malaki ang pasasalamat kay Pastor Apollo C. Quiboloy sa pangunguna sa ganitong uri ng aktibidad na malaking tulong sa pagpapanumbalik sa ganda ng Inang Kalikasan at makakatulong din upang mapabuti ang kalusugan ng mga buhay na matatagpuan sa karagatan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble