Isang LPA, namataan sa silangan ng Mindanao; Habagat patuloy na magpapaulan sa bansa – PAGASA

Isang LPA, namataan sa silangan ng Mindanao; Habagat patuloy na magpapaulan sa bansa – PAGASA

ISA na namang Low Pressure Area (LPA) ang namataan ng PAGASA sa silangan ng Mindanao.

Dahil dito ay muling nagbigay ng babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa publiko patungkol sa dalawang weather system na binabantayan ng ahensya.

Ayon kay Robert Badrina, PAGASA Weather Forecaster, Habagat at Low Pressure Area (LPA) ang minimonitor ngayon nila na nakakaapekto bansa.

Apektado ng Habagat ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON at MIMAROPA.

Batay naman sa 4PM advisory ng PAGASA, huling namataan ang LPA sa layong 530 kilometro silangan ng Mindanao sa Davao City.

At ito ay magdadala ng pag-ulan partikular sa CARAGA Administrative Region at Davao Region.

Bagama’t mababa ang tyansa na mabuo at maging bagyo ang LPA ay dapat pa rin hindi ito ipawalang bahala ng publiko.

Ani Badrina, posible kasi na magdulot ito ng pagbaha at pagguho ng mga lupa ang dalang mga ulan nito.

 “Yes, kasi kung mapapansin natin mula nitong nakaraang araw tuloy-tuloy na yung mga pag-ulan. So most probably medyo saturated na yung mga kalupaan natin. So yung mga lugar na kung saan medyo steeps slope or yung matataas na lugar posible kung magpapatuloy pa yung mga pag-ulan. Puwedeng magkaroon ng pabiglang pagguho ng lupa o mga landslides and yung mababang lugar dahil saturated na nga yung lupa ay puwedeng namang mag-cause ng flash floods,” ayon kay Badrina.

Pagbibigay-diin pa ni Badrina, maaari pa ring magbago ang lokasyon ng LPA dahil hindi ito katulad ng mga bagyo na halos mayroong exact movement at direction.

Kung kaya’t muli niyang pinaalalahanan ang mga publiko na tiyaking nakaantabay sa mga advisory sa pamamagitan ng kanilang official Facebook page.

 “Ngayon ay panahon ng tag-ulan lalo na dito sa Western side ng Luzon at Visayas, so paulit-ulit nating paalaala sa ating mga kababayan na dapat laging maghanda lalo na minsan nagiging dahilan yung pagguho ng lupa at mga flash floods, yung mga thunderstorm at tsaka yung mga pag-ulan. So dapat ibayong pag-iingat yung kinakailangan at marami rin tayong nababalitaan na tinatamaan ng kidlat so nagpapaalaala rin tayo kapag mayroong mga thunderstorm as much as posible hanggat maaari ay sumilong tayo sa ating mga tahanan upang makaiwas tayo sa mga posibilidad na tamaan ng kidlat o maulanan dahil paminsan nagcacause rin ito ng sakit,” paalala ni Badrina.

 

 

Follow SMNI News on Twitter