DISMAYADO si San Jose del Monte City Lone District Rep. Florida “Rida” Robes kasunod ng aberya na nangyari sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ilalim ng House Bill 672, hiniling ni Robes sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na atasan agad ang House on Good Government Committee para imbestigahan ang nasabing aberya sa paliparan.
Ipinagtataka ng mambabatas kung bakit nangyari ang glitch gayong bago ang mga pasilidad ng NAIA partikular na ang Communications, Navigation and Surveillance System for the Air Traffic Management (CNS/ATM).
Nais din ni Robes na papagpaliwanagin ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) kung paanong hindi na gumana ang CNS/ATM.
Giit pa ni Robes, seryoso na usapin ang nangyaring shutdown sa NAIA lalo na sa kaligtasan ng mga mananakay.
Malaking dagok din aniya ito sa ekonomiya at epekto na rin sa industriya ng turismo sa bansa
“And its shutdown posed serious threats to aviation safety, economic losses to tourism and the aviation industry, and leaving thousands of inbound and outbound flight passengers stranded,” pahayag ni Rep. Florida “Rida” Robes, Lone District, San Jose del Monte City, Bulacan.
Batay sa datos, naapektuhan ang nasa 282 domestic at international flights.
Magugunitang nagkaroon ng technical problem sa air traffic system noong Linggo dahilan para maantala ang flight nang nasa 56,000 na pasahero.
Para sa mambatatas, kung naagapan aniya ang maayos na maintenance, assessment at regular audit sa mga pasilidad ng paliparan, hindi aniya ito magdudulot ng ganoong kalaki sa maraming mamamayang Pilipino.
“With the funding implementation and proper maintenance of the new CNS/ATM system, regular audit and assessment of its capability, the shutdown could have been prevented avoiding substantial risks to national security, inconvenience to passengers and substantial loss to the aviation industry,” aniya pa.
Samantala, patuloy pa rin sa paggawa ng mga hakbang ang Civil Aviations Authority of the Philippines (CAAP) para sa agarang maibalik sa normal ang biyahe sa mga terminal ng NAIA.