BINIGYANG pugay ang isang police sa lalawigan ng Isabela matapos nitong mailigtas ang buhay ng nalunod na lalaki sa lungsod ng Ilagan.
Sa kabila ng mga batikos ngayon sa hanay ng kapulisan ay isang police sa lalawigan ng Isabela ang tumupad sa kanyang sinumpaang tungkulin para sa bayan.
Hindi naging hadlang kay Patrolman Maynard Llapitan at grupo nito, ang nararanasang mga batikos at negatibong komento sa hanay ng mga kapulisan upang gampanan ang kanilang tungkuling protektahan ang publiko.
Ika-4 ng Hunyo habang tinatahak ng grupo ni Llapitan ang kahabaan ng Barangay Rang-ayan sa lungsod ng Ilagan nang marinig ng mga ito ang sigaw ng mga residenteng humihingi ng tulong na agad nilang sinaklolohan.
Isang lalaking nalunod na kinilalang si Ramon Domingo Jr. ang nailigtas ng mga kapulisan matapos mabigyan agad ng paunang lunas ni Llapitan hanggang sa maibalik ang malay nito.
Taos puso ang pasasalamat ng mga pamilya ni Domingo sa mga kapulisan na agad na sumaklolo sa insidente.
Pahayag ni Pat. Llapitan, ang pagsaklolo at pagsagip ng buhay ay isang pagganap lamang sa kanyang sinumpaang tungkulin para sa bansa.
Saludo ang mamamayan ng Isabela sa mga nasabing pulis na totoong naglilingkod, nagpoprotekta at nagmamalasakit para sa bayan.
(BASAHIN: Halos 400 pamilya sa Isabela at Cagayan, inilikas dahil sa tumataas na tubig-baha)