KINUMPIRMA ng tagapagsalita ng Pamilya Dacera na si Attorney Brick Reyes sa panayam sa kaniya ngayong araw na may testigo na silang hawak kaugnay sa totoong nangyari sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Ayon sa abogado, mayroon isang tao na nakikipag-ugnayan sa kanila para ilahad ang mga kaganapan sa pagitan ng mga kritikal na oras mula alas sais ng umaga hanggang ala una ng hapon.
Pero ayaw pang pangalanan ni Atty. Reyes kung sino ang pagkakakilanlan nito o kung isa ito sa nga kasamahan sa Room 2207 na isa rin sa mga tinitingnang sangkot sa pagkamatay ni Tintin Dacera.
Samantala, pabor ang Pamilya Dacera na sumailalim sa drug test ang tatlong pinaghihinalaang suspek para mapatunayan naman anila ang unang pahayag ng PNP na walang involved na drugs sa ginawang aktibidad ng grupo ni Christine.
Ayon sa pamilya, naniniwala ito na nilagyan ng iligal na droga ang inumin ni Christine bago ito natagpuang patay sa bath tub.
Pero nanindigan ang kampo ng lima sa mga respondents sa kaso na sina John Pascual dela Serna III, Gregorio de Guzman, Rommel Gallido, Valentine Rosales, at Clark Rapinan, na pawang nagnegatibo sa drug test.
Kaugnay naman nito, naglabas ng apela ang investigating officer ng PNP sa piskalya na i-reset o magkaroon ng panibagong iskedyul ng pagdinig sa kaso habang hinihintay nito ang resulta ng DNA analysis, toxicology o chemical analysis, histopath examination at laboratory results mula sa Makati Medical Center.
Habang nakapagsumite na din ng kanilang counter-affidavit ang lima sa mga respondents.
Itinakda ang sunod na hearing sa January 27, 2021 sa ganap na alas 9 ng umaga.