KAMAKAILAN lang ay nagtungo ang mga volunteer ng Inday Sara Duterte Ako (ISDA) sa La Union upang magsagawa ng isang tree planting activity at relief operation.
Ang naturang aktibidad ay ang pamamaraan ng grupo upang ipanawagan kay Mayor Inday Sara Z. Duterte-Carpio ang kanyang pagtakbo sa Presidential election sa taong 2022.
Matatandaan na ang ISDA Volunteer Support Group ang kauna-unahang nagsagawa ng motorcade sa buong Region 1 na nilahukan ng humigit-kumulang 300 mga sasakyan.
Kamakailan lang din ay namahagi ang Inday Sara Duterte Ako ng mga boneless bangus sa Tuguegarao.
Sa kabila ng mga pahayag ni Mayor Sara na wala itong intesyon na tumakbo para sa pagkapangulo, patuloy pa rin ang panghihikayat ng grupo na makinig sa kanilang panawagan na tumakbo ito sa 2022 presidential election.
Nakaraang linggo ay muling pinanawagan si Mayor Sara sa kanyang mga tagasuporta na itigil na ang pag-motorcade at paglalagay ng tarpaulin upang hikayatin siyang tumakbo sa 2022 presidential election.
Aniya, sa halip na gumasto ng pera para sa motorcade at tarpaulin, ay ilaan na lamang ito sa mga nangangailangan.
Sa isang pag-aaral na isinagawa ng OCTA Research nakaraang Enero 26 hanggang Pebrero 1, nangunguna si Mayor Sara sa survey mula sa respondents na pinili siyang maging susunod na presidente ng bansa.
Nakakuha si Mayor Sara ng 22% na sinundan ni Sen. Grace Poe na may 13%, Sen. Manny Pacquiao at dating Sen. Bongbong Marcos na 12%, at Manila Mayor Isko Moreno na may 11% habang 5% naman ang nakuha ni VP Leni Robredo.
Nanguna rin si Mayor Sara sa survey sa vice presidential race na humakot ng 14% na boto, sinundan ni Moreno at Pacquiao na may 11% bawat isa, habang nakuha ni Poe ang 10%.