Isinagawang motorcade ng Int’l Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking ng DDB, matagumpay

Isinagawang motorcade ng Int’l Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking ng DDB, matagumpay

MATAGUMPAY ang isinagawang motorcade ngayong araw ng Miyerkules, Hunyo 26, 2024 na nag-umpisa kaninang 5:30 ng umaga ng International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking 2024 ng Dangerous Drugs Board (DDB) at Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council (QC-ADAAC).

Ito ay dinaluhan ng mga opisyal ng DDB Chairman Catalino Cuy, Usec. Earl Saavedra, PDEA Director General Moro Virgilio Lazo at ng QC Vice Mayor Gian Sotto, at ilan pang opisyal ng ilang ahensiya ng gobyerno.

Nabatid na nakatakdang ideklara ng QC-ADAAC na drug-cleared ang limang mga barangay sa Quezon City.

Sa pagdiriwang ng International Day Against Drug Abuse, sinabi ni QC ADAAC Co-Chairman at Vice Mayor Gian Sotto na sa ngayon ay bumababa na ang bilang ng mga drug addict at drug pusher sa Quezon City.

Ito aniya ay resulta ng malawakang information campaign at mga drug prevention program ng lokal na pamahalaan lalo na ang pagtugon sa pagbibigay ng trabaho sa taumbayan.

Naging posible rin aniya ito dahil sa pakikipagtulungan ng barangay, mga eskwelahan at iba pang stakeholder na mulat na rin sa negatibong epekto ng illegal drugs.

Paliwanag ni Sotto, bagamat hindi maitatanggi na mayroon pa ring nagkalat na ilegal na droga sa lungsod pero batay aniya sa rekord ng QCPD, karamihan sa mga nahuhuli at namo-monitor na mga pusher ay pawang taga-ibang lugar.

Sa ngayon ay ayaw munang banggitin ni Sotto kung anong mga barangay ito dahil hihintayin pa ang rekord na manggagaling sa Anti-Drug Abuse Council.

Batay sa rekord ng QC-ADAAC noong 2019, 30 barangay ang idineklang drug-cleared sa buong Quezon City.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble