Isolation at quarantine measures ng LGUs, mas paigtingin pa

INANUNSYO ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga bagong restriction  sa isolation at quarantine measures na ipatutupad simula ngayon araw, Marso 22 hanggang Abril 4 sa mga local government units (LGUs) ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Nakasaad sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) Resolution No. 104 na isa sa mga direktiba ng IATF ay ang istriktong implementasyon ng mga LGU sa kanilang isolation at quarantine measure at ang pagpapatupad ng mga minimum health standard.

Ayon sa IATF, kinakailangan mas paigtingin ng mga lokal na pamahalaan ang pagbabahay-bahay, paghahanap, pag-iisolate at pagte-test  sa mga may sintomas ng COVID-19.

Sa ilalim ng resolusyon, kailangan mas pabutihin pa ng mga LGU ang kani-kanilang facility-based quarantine at isolation.

Inatasan ng IATF ang Department of Interior and Local Government na siguraduhin na kumpleto na ang mga protocol sa isolation at quarantine area bago pa man ipatupad ang mga nasabaing direktiba.

Kinakailangan ring magbigay ng DILG ng mga face masks at face shields sa mga vulnerable sectors lalo na sa mga senior citizen.

Inatasan naman ang  Barangay Health Emergency Response Team at iba pang barangay officials na imonitor at siguraduhin na sumusunod ang mga residente sa mga itinakdang health protocols.

Kinakailangan ring magpatupad ng ibang alternatibong working arrangement upang mamonitor ang compliance ng mga establisyemento sa ipinaiiral na mga minimum health standard.

Umaasa ang pamahalaan na sa mga bagong mga restrictions ay magreresulta ang mga ito sa mas mababang numero ng kaso ng COVID-19 at mapipigilan ang pagkalat, lalong-lalo na ng new variants sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.

Nitong Linggo, nakapagtala ang Department of Health ng 7,757 bagong kaso ng COVID-19 para sa kabuuang bilang na 663,794 kumpirmadong kaso sa bansa.

(BASAHIN: Camp Aguinaldo sa Quezon City, isinailalim sa lockdown)

SMNI NEWS