Israeli Ambassador Fluss, nakiramay sa pamilya ng nasawing OFW

Israeli Ambassador Fluss, nakiramay sa pamilya ng nasawing OFW

BUMISITA si Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss kasama si Consul Moti Cohen sa lamay ng nasawing OFW na si Angelyn Aguirre para personal na ipaabot ang pakikiramay sa naiwang pamilya nito sa bayan ng Binmaley, Pangasinan.

Si Angelyn Aguirre ay isa sa mga overseas Filipinos worker (OFW) na nasawi sa paglusob ng militanteng grupong Hamas sa Israel noong Oktubre 7, 2023.

Itinuring siyang bayani dahil hindi nito iniwan ang kaniyang 70-taong gulang na employer sa kabila na mga pagkakataon na mayroon ito para iligtas ang sarili mula sa umaatakeng grupo ng Hamas na nagresulta sa kaniyang pagkasawi.

Ayon kay Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss, itinuturing ng kanilang pamahalaan na kabahagi na ng kanilang pamilya si Angelyn na nagsakripisyo ng kaniyang buhay para sa employer nito.

Kabahagi si Angelyn sa malaking pamilya ng Israel na naging biktima sa karumal-dumal na pag-atake ng militanteng grupong Hamas.

“Angelyn was there taking care of her Israeli patient, an elderly person was murdered together with her. She stayed with her to the end. She took care of her before and this sense of loyalty, of friendship, of sacrificing your own life together with the person you responsible for Angelyn and her family like family to us,” wika ni Ilan Fluss Israel Ambassador to the Philippines.

Tiniyak ng Israeli ambassador na makatatanggap si Angelyn ng anumang benepisyo na matatanggap ng mga Israeli citizen na nasawi sa sigalot na nangyayari sa kanilang bansa tulad na lamang ng buwanang financial assistance.

“Family Aguirre, the family of Angelyn is now joining this big family. Part of joining this big family is that they also get the benefits and assistance from the Israeli government,’’ ayon pa kay Ambassador Fluss.

“In a monthly basis getting an income because of understanding that she is the family’s supporter. The parents, the husband, if they are children, they’ll getting monthly income,” dagdag pa ni Fluss.

Maliban sa buwanang ayuda, ay makatatanggap din ang naiwang pamilya ni Angelyn ng special assistance kagaya ng medical treatment, education, at allowance na nakasaad sa kanilang batas.

Una nang bumisita si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Admin Arnell Ignacio kasama si Department of Migrant Workers (DMW) OIC Hans Leo Cacdac upang magbigay-pugay sa bayaning si Angelyn at nagpaabot na rin ng tulong sa halagang P220,000.

Nilinaw naman ni Ignacio na hindi lahat ng 30,500 Pilipino sa Israel ang nais nang umuwi ng bansa dahil isang bahagi lang naman ng bansa ang may bakbakan.

“I do not think that 30,000 Filipinos want to go home. Kasi aside…I explain ‘yun hong nangyayaring sigalot ay nasa bandang south lang ng Gaza. Ang affected area ay doon sa south lang ng Israel. Pareho dito sa atin nung nangyari dito sa atin sa Marawi, wala namang nangyari sa Pangasinan di ba. So, hindi naman nagsabi ang mga taga-Pangasinan na gusto nilang umalis dito,” ayon kay Arnell Ignacio Admin, OWWA.

Nag-alay na rin ng awitin si Admin Arnell sa harap ng mga pamilyang naiwan ni Angelyn para maibsan ang pagdadalamhati ng mga kamag-anak nito.

Kabilang din sa sumalubong para sa hero’s welcome ni Angelyn sina Pangasinan Gov. Ramon Guico III na nagbigay ng P100,000 financial assistance sa pamilya ni Angelyn at bumisita rin si Binmaley Mayor Pedro Merrera III.

Saad ni Mayor Merrera, ikinararangal nito ang unang pagkakataon na bumisita ang Israeli ambassador sa Binmaley para personal na makiramay sa pamilya ng nasawing OFW na si Angelyn.

“Ako’y nagpapasalamat dahil sa kanila, the ambassador and the consul who are here today the presence for this moment of the bereaved family of the Aguirre, isang malaking bagay na sa amin ‘yun at towns people of Binmaley ay nasisiyahan sa kanilang pakikiramay sa namatay na kababayan natin,” ayon naman kay Mayor Pedro Merrera III Binmaley, Pangasinan.

Lubos naman ang pagdadalamhati ng tiyahin ni Angelyn sa kinasadlakan ng kaniyang pamangkin.

Ayon kay Violeta Peralta, limang taon pa lamang si Angelyn ay inaalagaan na niya ito hanggang sa nangibang bansa na nga ito.

“Ang sakit sa ano ko…dahil simula limang taon alaga ko na ‘yang pamangkin ko hanggang sa pumunta ng Israel. Kaya maraming salamat po lalo na po sa mga ano ng OWWA,” ani Violeta Peralta, tiyahin ni Angelyn Aguirre.

“Sa DMW, nagpapasalamat din ako lalo na kay Sir Arnell Ignacio, ang OIC niya si Atty. Cacdac, labis po ako nagpapasalamat at pumunta po sila dito,” dagdag pa ni Violeta.

Nakahimlay ang labi ng bayaning OFW na si Angelyn Aguirre sa Forest Lake sa lungsod ng San Carlos, Pangasinan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter