MAGPAPATULOY ang istriktong minimum public health standards at safety protocols sakaling ilagay na sa Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR).
Ito ang tiniyak ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar makaraang ihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na handa na ang mga alkalde sa NCR sa posibleng pagbaba ng alert level sa Nobyembre.
Ayon kay Eleazar, anuman ang alert level na ipatutupad, laging nakahanda ang kapulisan upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan.
Binigyang-diin rin ng Chief PNP ang aktibong pakikiisa ng publiko sa pagsunod sa mga panuntunan at pag-uulat sa mga hindi sumusunod sa istriktong health protocols.
Kasalukuyang umiiral ang Alert Level 3 sa NCR hanggang sa araw ng Linggo, Oktubre trenta y uno.
Rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council sa booster at additional shots, ia-update pa ayon sa DOH
Nilinaw ng Department of Health (DOH) na ia-update pa ang mga rekomendasyong nilagdaan ng Health Technology Assessment Council’s (HTACs) para sa paggamit ng booster shots at additional doses ng COVID-19 vaccine.
Ayon sa DOH, pansamantalang rekomendasyon lamang ito upang gabayan ang sectoral planning.
Ia-update pa anila ang rekomendasyong ito habang hinihintay ang assessment ng Food and Drug Administration (FDA) sa pag-amyenda sa Emergency Use Authorization (EUA) at rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) ngayong Nobyembre.
Sinabi ng DOH na ang pormal na rekomendasyon sa boosters ay dapat isalin sa isang polisiya na may operational plans.
Habang hinihintay ang guidelines sa boosters, muling iginiit ng DOH na dapat unahin ang pag-abot sa mga kwalipikadong hindi pa nabakunahan na mga indibidwal na 12 taong gulang pataas.