Pinangunahan ng CAAP ang ika-35 na pagpupulong ng Asia/Pacific Air Navigation Planning and Implementation Regional Group (APANPIRG) sa ICAO Regional Office sa Bangkok, Thailand.
Nasa kabuuang 163 delegado mula sa 26 mga bansa, 2 administratibong rehiyon, at 6 internasyonal na organisasyon ang nakilahok sa makabuluhang pagpupulong.
Sa kaniyang pahayag sa pagtatapos ng ika-35 APANPIRG meeting ngayong Miyerkules, binigyang-diin ni Director General Captain Manuel Antonio Tamayo ang kritikal na kahalagahan ng papel ng samahan sa pagtataguyod ng kaligtasan, kahusayan, at pangmatagalang pagpapalakas sa buong rehiyon.
“Our meeting this week ensured that Civil Aviation in the APAC remains efficient, interconnected, and safe—with minimized boundaries and maximized collaboration, fostering a more integrated air navigation system for the benefit of all,” ayon kay Captain Manuel Antonio Tamayo, Director General, CAAP
Tinalakay sa pagpupulong ang mga pangunahing isyu tulad ng mga kakulangan at kaligtasan sa pag-navigate sa hangin, at mga pagbabago tulad ng paggamit ng drone para sa inspeksiyon ng paglipad at virtualized Air Traffic Flow Management (ATFM).
Nitong Lunes, ang CAAP at ang Federal Aviation Administration (FAA) ay lumagda ng Non-Binding Air Navigation at Implementation Cooperation Work Plan na magpapalakas sa pakikipagtulungan sa pagitan ng dalawang ahensiya.
Ang plano ay nagbibigay ng balangkas para sa pakikipagtulungan sa pagpapabuti ng pag-navigate sa hangin at kaligtasan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng non-sensitive data at resources.
Ito ay nakahanay sa mga internasyonal na pagsisikap upang i-modernize ang mga sistema at kasanayan sa aviation.