NILINAW ngayon ng Department of Justice (DOJ) na hindi napag-usapan sa kanilang pakikipagpulong kay Ms. Irene Khan ng United Nations on Freedom of Expression and Opinion ang isyu kaugnay sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa anti-illegal drug campaign ng Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Justice Undersecretary Hermogenes Andres na ibang usapin at walang kinalaman sa ICC ang pagbisita ni Khan sa Pilipinas bilang special rapporteur at kinatawan ng UN kung saan miyembro ang Pilipinas.
Sa naging pagpupulong, pangunahing napag-usapan ang aspeto ng karapatang pantao at kalagayan ng freedom of the press at expression.
Tiniyak ng DOJ sa UN na nakikiisa at nakikipagtulungan sila sa Civil Society Organizations at mga biktima para maresolba ang iba’t ibang kaso na may kaugnayan sa mga paglabag sa karapatang pantao.