Isyu sa confi funds, hindi dahilan sa pagbaba ng survey score ni VP Sara—dating political adviser

Isyu sa confi funds, hindi dahilan sa pagbaba ng survey score ni VP Sara—dating political adviser

NUMBER 1 pa rin sa may pinakamataas na trust at performance rating si Vice President Sara Duterte.

Ito’y kahit kapwa bumaba ang trust at performance ratings nilang dalawa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.

Sa overall results ng survey, 75 porsiyento ang trust at performance rating ni VP Sara kumpara sa 73 porsiyento ni Pangulong Ferdinand Marcos.

Lumabas ang survey matapos batuhin ng kontrobersiya ang bise presidente sa isyu ng confidential funds.

Ngunit para sa dating Presidential Adviser on Political Affairs na si Jing Paras, walang epekto ang confidential funds issue sa karera ng ikalawang pangulo.

“Ako po ay naniniwala na hindi tumalab ‘yun. Kasi wala namang allegations of corruption eh. They just say na ginamit niya ito, ginamit niyang ganiyan pero mayroon bang specific allegation itong mga makakaliwa na binulsa ni Sara Duterte?” ayon kay Atty. Jacinto ‘Jing’ Paras, Former Presidential Adviser on Political Affairs.

Nauna nang inamin ng mga makakaliwang kongresista sa Kamara na wala silang sapat na ebidensiya na may iregularidad sa paggamit ng Office of the Vice President (OVP) confidential funds.

Kaya sila nagkakalkal ng mga isyu na ipampupukol sa opisyal.

“We have no proof right now, pero nakita natin ‘yung ganoong mga…may mga questions tayo kaya nga gusto nating magtanong eh, kaya nga gusto nating mag-ungkat,” ayon kay Rep. Arlene Brosas, Gabriela Party-list.

Naniniwala naman si dating Presidential spokesman Harry Roque na mayroong mga puwersa sa loob ng administrasyon ang nais pabagsakin si VP Sara.

Kaya pinapalaki ang isyu ng confidential funds.

Ngunit ani Roque, may direktang epekto kay Pangulong Marcos ang pagpipinta kay VP Sara na masama.

Dahil magkasama sila sa UniTeam— ang tambalang nangako ng pagkakaisa sa nagdaang eleksiyon.

Mga paninira kay VP Sara, nakasisira kay PBBM—Harry Roque

“Ang hindi kasi naintindihan ng mga pumupukol kay Inday Sara… unang-una, eh talaga naman pong nagbigay si Inday Sara noong huling eleksyon. At talagang pinili na lang niyang suportahan si PBBM bilang isang presidente. Pangalawa, dahil mas mataas ang boto ni Inday Sara kaysa kay PBBM, anong ibig sabihin ‘nun? Dinala rin ni VP Sara si PBBM sa pagkapanalo. Kaya ‘pag pinukol ninyo si VP Sara, pinupukol din ninyo ang kaniyang ulo na si PBBM. Parang hindi nila nare-realize ‘yun eh, na package deal itong UniTeam eh, kaya nga UniTeam itong inelect eh. Kaya ikaw pag pinukol mo ‘yung isa, apektado rin ‘yung isa,” ayon kay Atty. Harry Roque, Former Presidential Spokesman.

Nauna nang sinabi ni VP Sara na mananatili ang kaniyang suporta kay Pangulong Marcos sa ilalim ng UniTeam.

Pero dapat pa nga bang manatili sa UniTeam ang bise presidente?

“This is my personal on the matter, ay umalis na diyan sa administration ni Marcos. Huwag na siyang tuloy-tuloy pang madamay diyan. Kasi gumagawa siya ng kabutihan sa Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President dahil sa bulusok ng masamang administrasyon ay madadamay ang ating bise-presidente,” dagdag pa ni Paras.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter