Isyu sa pondo ng Sulu matapos itong ihiwalay sa BARMM dapat linawin—Sen. Tolentino

Isyu sa pondo ng Sulu matapos itong ihiwalay sa BARMM dapat linawin—Sen. Tolentino

NANAWAGAN si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino sa mga ahensiya ng gobyerno na agad na resolbahin ang isyu sa pondo ng lalawigan ng Sulu matapos magdesisyon ang Korte Suprema na ihiwalay ito mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa budget hearing sa Senado ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) araw ng Lunes, ipinaliwanag ni Tolentino na hindi naikonsidera ng pamahalaan sa paghahanda ng badyet ang posibleng epekto ng desisyon ng Mataas na Korte, kabilang na ang mga opisinang sangay ng BARMM na nakatalaga sa naihiwalay na probinsiya.

“If Sulu will be transferred from the BARMM to Region 9, ask yourselves, dinagdagan ba ninyo habang pinaplano ito, kasi palagay ko ang answer, No. Kasi last week lang sinabi ng Supreme Court, this decision is immediately executory. Dinagdagan nyo ba ang budget ng Region 9? Palagay ko, answer is no, paano nyo gagawin yun?  Ngayon naman because the ruling is immediately executory, ibig sabihin ngayon 2024 budget hindi na kasama ang Sulu sa BARMM,” saad ni Sen. Francis Tolentino, Senate Majority leader.

Nauna rito’y ibinahagi ni Sulu Governor Abdusakur Tan sa senador ang ulat ng mga empleyado ng BARMM offices na diumano’y napagsabihan na hanggang Setyembre 10 na lamang ang kanilang sahod.

Iniulat din ni Tan na walang sapat na pondo ang mga opisina ng BARMM sa Sulu para maipagpatuloy ang mga operasyon nito, kabilang ang upa at utilities, na hindi naman umano kayang saluhin ng pamprobinsiyang pamahalaan.

Bilang tugon, siniguro ni Tolentino kay Tan na ipagpapatuloy niya ang paglilinaw sa isyu, lalo at binabalangkas din ng Senado ang panukalang badyet ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa susunod na taon.

“Make some fiscal calibration as we discuss, on how to provide for an additional amount that will cover the province of Sulu. Ang balita ko, even the employees of various government agencies based in Sulu getting their salaries from the BARMM, tigil na un sweldo effective September 10,” dagdag ni Sen. Tolentino

Aniya, hindi umano nakapagbigay ng malinaw na sagot ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Science and Technology (DOST) nang sila’y tanungin niya sa mga pagdinig noong nakaraang linggo.

Magugunita na noong 2019, bumoto ang Sulu para ibasura ang Bangsamoro Organic Law (BOL), na naglalayong palawakin ang mga teritoryong nasasakupan ng dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Ngunit sa kabila nito ay isinama pa rin sa BARMM ang Sulu, na nagbunsod dito para maghain ng petisyon sa Mataas na Korte para kuwestiyunin ang constitutionality ng BOL.

Sa desisyon na inilabas nito noong isang linggo, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang probisyon ng BOL na nagdidirekta sa mga lalawigan at siyudad sa ilalim ng ARMM na bumoto bilang ‘single geographical unit’ – kasama na ang mga lalawigang nagbasura sa naturang batas.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble