IT at health industry scholars, dapat magsilbi ng 3 taon sa Pilipinas bago payagang magtrabaho abroad—PBBM

IT at health industry scholars, dapat magsilbi ng 3 taon sa Pilipinas bago payagang magtrabaho abroad—PBBM

SUPORTADO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang magsasanay pa ng mas maraming manggagawang Pilipino sa mga sektor ng healthcare at information technology (IT).

Pero giit ng Pangulo, dapat i-require na manatili at magtrabaho sa Pilipinas ang healthcare at IT scholars na ito sa loob ng dalawa – tatlong taon bago sila payagang maghanap ng trabaho sa ibang bansa.

“We have to come up with some kind of strategy wherein, let’s say, you provide scholarships tapos kasama sa scholarship agreement na manatili ka ng tatlong taon. After that then they’re free to go,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Natalakay ito ni Pangulong Marcos sa ika-5 pulong kasama ang Private Sector Advisory Council-Jobs Sector Group (PSAC-Jobs) sa Malacañang, araw ng Huwebes.

Nabanggit ng Pangulo ang isyu ng ‘brain drain’ sa sektor ng healthcare at IT sa gitna ng dumaraming mga bihasang manggagawang Pilipino na naghahanap ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa.

Inamin ng mga opisyal ng PSAC na ang local labor market para sa mga nasabing sektor ay hindi napapantayan ang suweldo na inaalok ng mga kompanya at healthcare facilities sa US, UK, Australia, at Europe.

Gayunpaman, sinabi ni Teresita Sy-Coson ng SM Investments Corporation, na dapat ay nakatuon pa rin ang Pilipinas sa patuloy na pagsasanay sa mga bagong manggagawa.

Tanging magagawa aniya ng pamahalaan ang patuloy na mag-alok ng certificate programs at sanayin ang kanilang kadalubhasaan.

Si Sy-Coson ang nagpresenta ng mga panukala ‘on behalf’ sa Jobs sector ng PSAC.

Sa employment situation sa bansa, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umabot sa 50.52 milyon ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho noong Disyembre 2023.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble