IT provider, umalma matapos sisihin sa mabagal na sistema ng LTO

IT provider, umalma matapos sisihin sa mabagal na sistema ng LTO

UMALMA ang IT provider ng Land Transportation Office (LTO) sa kontrobersyal na pagbagal ng computer system ng ahensya noong Lunes.

Sa panayam kay Atty. Nikki de Vega, spokesperson ng Dermalog agad silang nagsagawa ng imbestigasyon katuwang umano ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para alamin ang sanhi ng pagbagal ng mga system ng LTO sa lahat ng mga operation centers nito.

Natuklasan nila na hindi ang kanilang system ang nagkaroon ng traffic congestion ng mga information ng LTO kundi ang isang computer sa loob ng nasabing tanggapan.

Kung kaya’t ikinabigla ni Atty. Vega ang pagsisi ng LTO sa kanila.

“Alam mo ‘yun ang pagtataka ko na bakit ang bilis na magturo sa amin, ang bilis din ng mag-report ng ganyan na hindi man lang nag-reach out sa amin para tukuyin ang problema, kaya tulad po niyan ang statement niya na kami ang problema hindi po totoo ‘yun,” hinaing ni De Vega.

Saad nito, sa nakalipas na mga taon hindi naman nagkaroon ng aberya ang sistema ng LTO at naging maayos ang kanilang serbisyo.

Pagbibigay-diin ng tagapagsalita ng Dermalog, posibleng sinabotahe sila ng ilang kawani ng ahensiya para magkaroon ng isyu at ipawalang-bisa ang kanilang kontrata.

“As I said maraming puwedeng posible kasi nasa loob ng opisina ng LTO gamit ang computer ng LTO that can be a possibility,” ayon kay De Vega.

Ipinagtataka rin ng Dermalog na sa ilang araw pa lang sa posisyon ni LTO chief assistant Secretary Teofilo Guadiz III ay hindi na sila iniimbitahan sa mga pagpupulong na may kaugnayan sa computer system.

“Subalit, hindi po kasi ganon ang ginawa niya sa 1st week pag-upo niya sa posisyon, documented naman ‘yung sa video sa media ang kanyang mga sinabi, pero nagpa-presscon pa rin siya, inimbita niya lahat ng regional directors at dating service provider at hindi kami inimbita tapos doon niya binanggit na hindi siya natutuwa sa amin at maaari niya kaming palitan ng iba. So, ako alam mo ayokong nagbibintang kasi hindi maganda mapagbintangan,” ani De Vega.

“Nanawagan ako kay Asec. Guadiz baka mis-informed lang siya, nanawagan ako na makipag-tulungan sa Dermalog at para mabigyan natin ng solution ang problema. Pero, sana sinserong meeting ‘yung totoo kasi nakaka-trauma na. ‘Yung dati mong patawag ay hindi naman ganon ang naging puno’t dulo ng meeting, pagkatapos ng meeting bukas sisihin mo kami hindi po sincere ‘yung ganon sana ‘yung totoong meeting, totoo talagang pamamaraan para makapaglingkod sa publiko,” dagdag pa ni De Vega.

Samantala, dumipensa naman sa alegasyon ang LTO patungkol sa akusasyon ng kanilang IT provider na Dermalog na umano’y sila ay sinasabotahe.

 

Follow SMNI News on Twitter