IDINEPENSA ni Sagip Party-List Representative Rodante Marcoleta ang isinagawa nilang “ivermectin pan-three” sa Quezon City, kahapon, Abril 29.
(BASAHIN: “Ivermectin pan-three,” umarangkada na sa Quezon City)
Ito ay matapos nakwestyon ng netizens, bakit walang pangalan ng doktor ang resetang ginawa sa nasabing event.
Sinabi ni Marcoleta na mainit ang pagtanggap ng mga tao sa ivermectin sa panayam ng SMNI News.
“Yung pagtanggap ng mga tao ay mainit at tsaka sila rin ay nalalaman nila ang ginagawa naming pagtulong ay makakabuti rin sa kanila. Sa liwanag ng napakaraming pagpapatibay na ginawa ng maraming doktor. Hindi lamang sa ating bansa, pati mga doktor sa ibang bansa na ang ivermectin ay nakakatulong sa pag-prevent at paggamot, pag-diagnose ng COVID-19,” pahayag ni Marcoleta.
Samantala, kinuwestyon naman ni Marcoleta ang Food and Drug Administration (FDA) sa mabagal na pagpapalabas ng Emergency Use Authorization (EUA) sa mga posibleng gamot laban sa COVID-19.
Aniya, batay sa Section 2 ng Executive Order 121 o ang paggamit ng EUA ay may tatlong kondisyon na umiiral para ma-issue ito ng director general ng FDA.
Una aniya, kailangan ang kalipunan ng maraming ebidensya kasama na ang adequate at well-known controlled trials.
Pangalawa, yung known potential benefits ng isang drug o gamot ay mas lamang kung ikukumpara sa risk.
Pangatlo, kung walang adequate, approved at available na gamot para sa isang sakit, kailangan talagang mag-issue ng EUA ang isang FDA director general.
Ngayon, tanong ni Rep. Marcoleta, alinsunod sa tatlong kondisyon, bakit pa aniya panaka-naka ang hakbang ng FDA.
Hirit pa nito, napakamahal na nga ng remdisivir, wala pa itong kasiguruhan.
Samantala, natukoy na nina Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang ilang barangay sa Quezon City na bibigyan nila ng ivermectin.