“Ivermectin pan-three,” umarangkada na sa Quezon City

NAMIGAY ng libreng ivermectin ang dalawang kongresista katuwang ang ilang volunteer doctors sa isinagawang Ivermectin pan-three sa Quezon City.

Kabilang sa mga kongresista sina Rep. Mike Defensor ng Anakalusugan Party-list at Rep. Rodante Marcoleta ng Sagip Party-list.

Layon ng mga kongresista na ipakita na mabisa ang nasabing gamot laban sa COVID-19.

Maliban sa dalawang party-list group, kasama ang mga miyembro Concerned Doctors and Citizens of the Philippines (CDC-Ph) at iba pang grupo ang nag-organisa ng “ivermectin initiative” sa Quezon City.

Mahigit isang daang katao ang nabigyan ng gamot ngayong araw kung saan bawat isa ay nakatanggap ng sampung ivermectin capsule.

Pero bago ang bigayan, sumalang sa konsultasyon at binigyan ng prescription ang mga ito.

Nauna nang sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi para sa lahat ang ivermectin at kailangan ang doctor’s prescription para makakuha nito.

“Dito, tinitignan ko muna kung sino sila kasi importante personal ang pag dodoktor eh. Kung sino sila bakit sila nagpunta rito tapos sila ba ay nagkaroon na ng COVID, ilan taon na ba sila. So ina-assess ko rin yung risk- mataas ba ang chance nilang magkasakit?” pahayag ni Dr. Iggy Agbayani, president,  CDC-Ph.

“If you’re taking ivermectin you will not be infectious anymore. Hindi ka na maglalabas ng virus. That’s one. If you’re taking ivermectin hindi ka na rin magkakasakit ng COVID. If magkasakit ka man dahil  mayroon kang issues mahina immune system kulang sa vitamins and minerals minimal na lang yan,” ayon naman kay Dr. Allan Landrito, member, CDC-Ph.

Ivermectin, solusyon sa suliranin ng bansa dulot ng COVID-19 —Dr. Landrito

Sinabi rin ni Dr. Landrito na ang ivermectin ang solusyon na kailangan ngayon ng gobyerno para mapababa ang COVID-19 cases sa bansa.

Bukod kasi sa prevention o prophylaxis, mabisa rin ito sa mga may COVID na.

 “Or kung pasyente ay meron nang sakit na COVID nag-take ng ivermectin different way of dosing na no. Intensified na yung dosing. Say for example mild 1 tablet, 1 capsule once a day for 5 days. Medyo may konting symptoms 2 capsule, matindi 3 capsule. Pag matinding matindi 4 capsules. Mare-reverse at mare-reverse yan. Tiyak we will address COVID-19 with ivermectin. Of course kailangan din ng vitamin C other medication but ivermectin will be the mainstay in the treatment of COVID-19,” pahayag ni Landrito.

Bukod dito sa mga taga-Barangay Old Balara, balak ng mga organizer na bigyan rin ng ivermectin ang iba pang mga taga-Quezon City. At balak nilang gawing house-to-house ang pamamahagi nito.

“Tuloy na tuloy na natin tong gagawin, mula rito bababa na sa mga bahay-bahay ang ating mga kasama. Una syempre kailangan magsumite ng forms yung mga gustong kumuha ng ivermectin. At kami naman, mula dito ibibigay sa compounding laboratories sa prescribing doctors para maibigay natin bahay bahay ang ivermectin na magkaroon sila ng access,” ayon kay Defensor.

“So ang ginagawa natin pangtulong sa tao bunsod ng nakita namin na pagpapatotoo at pagpapatunay ng napakaraming doktor. Nakita nyo naman lumabas ang doktor nasa publiko. Hindi nila siguro isasakripisyo ang sarili nilang lisensya at ang kanilang karangalan at pangalan. Ayun… Dr. Landrito, Dr. Iggy Agbayani, Dr. Castillo, Dr. Quinto. Sila ba’y pupunta sa publiko para humarap sa inyo kung ang ivermectin ay wala talaga silang makikitang pang tulong sa ating mga kababayan? Ito rin ang nagbunsod sa amin ni Cong. Mike. Kung ano man ang maliit na magagawa namin, gagawin naming,” pahayag naman ni Marcoleta.

Rep. Defensor, hindi pwedeng kasuhan dahil sa ivermectin initiative —Atty. Gadon

Samantala, iginiit ng abogadong si Larry Gadon na hindi maaaring kasuhan si Defensor matapos ilunsad ang “ivermectin initiative” sa Quezon City.

Depensa ito ni Gadon sa mga kumukuwestiyon sa legalidad ng inisyatibo dahil hindi pa aprubadong gamitin ang ivermectin laban sa COVID.

Nagagamit lamang ito ngayon ng mga ospital na ginawaran ng compassionate special permit ng FDA.

 “Hindi siya pwedeng pigilan at hindi siya pwedeng kasuhan sapagkat unang-una, ang ivermectin ay hindi nakasama sa listahan ng illegal and prohibited drugs ng PDEA kaya walang kaso diyan. At pangalawa, pinayagan ng FDA ang compassionate use nito sa tatlong ospital. So meron tayong tinatawag na equal protection of the laws. Kung may karapatan ang mga pasyente na maraming perang pambayad sa ospital na gumamit nito ay may karapatan din ang mga tao na walang pera na ang inaasahan lamang yung mumurahing gamot na makakapagpagaling sa kanila. Kaya yan ang tinatawag natin na equal protection of the laws. It is unfair to deprive them of their right to live. Kaya ang mangyayari diyan, hindi yan pwedeng kasuhan,”pahayag ni Gadon.

(BASAHIN: Defensor namahagi ng Ivermectin sa kabila ng babala ng FDA)

SMNI NEWS