Jamming sa tracking signal ng mga barko sa WPS, kinumpirma ng PH Navy

Jamming sa tracking signal ng mga barko sa WPS, kinumpirma ng PH Navy

KINUMPIRMA ng Philippine Navy na intensiyonal ang jamming na ginagawa ng China sa tracking signal ng mga lumalayag na barko ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni Navy Spokesperson for West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad, matagal-tagal na rin ang ginagawang interference ng China sa electronic capabilities ng Pilipinas.

Madalas na nangyayari ito tuwing naghahanda para sa isang resupply mission.

Binigyang-diin ni Trinidad na minimal lang ang epekto nito sa operasyon ng navy kung kaya’t nareresolba lang din ito.

Nauna nang inakusahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang China na pasimuno ng jamming ng tracking signal.

Sa pahayag ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, may mga panahon na hindi agad nakakapag-transmit ng kanilang automatic identification signals ang mga barko ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na rotational na idine-deploy sa Scarborough Shoal.

Sa panig ng PCG, bagamat walang ebidensiya, naniniwala si Tarriela na nangyayari ito tuwing sinasabi ng China na itinataboy nila ang mga barko ng Pilipinas dahil ilegal na pumasok sa kanilang teritoryo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble