SA kauna-unahang pagkakataon, lalahok sa ika-pitong serye ng KAMANDAG Joint Military Exercises ang mga bansang Japan at Republic of Korea habang magsisilbing observers naman ang ilang kinatawan ng United Kingdom na pangungunahan ng Philippine Marines at US Marine Corps.
Magsisimula ang Annual Training Exercise ngayong araw, Nobyembre 9 hanggang Nobyembre 20 at isasagawa sa Luzon kasama ang Batanes, Zamboanga, Tawi-Tawi, Palawan, Cavite, at National Capital Region.
Batay sa datos ng Philippine Marines, halos tatlong libong personnel ang dadalo sa dalawang linggong pagsasanay kung saan pinakamarami rito ay galing sa Pilipinas, sinundan ng Estados Unidos, sumunod ang Korea, Japan at United Kingdom.
Sa kabilang banda, iginiit ng Pilipinas na mahalaga ang ganitong aktibidad para sa abanse ng Pilipinas lalo na sa mga kinakaharap na hamon sa isyu ng seguridad kung kaya’t mas mainam na anila ang maging handa.
Ang KAMANDAG ay isang bilateral exercise sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sa ilalim ng Mutual Defense Board and Security Engagement Board Activities na layong mapagtibay pa ang interoperability sa iba pang mga Sandatahang Lakas mula sa iba’t ibang bansa gaya ng special operations, coastal defense capability at humanitarian assistance and disaster response.