Japan, binigyang-pansin ang posibleng pagbisita ni PM Fumio Kishida sa Pyongyang

Japan, binigyang-pansin ang posibleng pagbisita ni PM Fumio Kishida sa Pyongyang

BINIGYANG-pansin ng Japan ang mga naging pahayag ng kapatid ng North Korean Leader na si Kim Jong Un, matapos imungkahi nito ang posibleng pagbisita ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Pyongyang.

Sa pahayag ni Kim Yo Jong, posibleng mangyari ang pagbisita ng prime minister ng Japan kung hindi gagawing hadlang ng Tokyo ang isyu ng mga pagdukot sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa isang press conference, tumanggi si Chief Cabinet Secretary Yoshimasa Hayashi na ipaliwanag ang pahayag ng kapatid ni North Korean Leader Kim Jong Un, kung saan binanggit nito ang posibleng negatibong epekto sa mga negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Si Hayashi, ay siya ring minister in charge sa abduction issue.

Aniya, ang Japan ay patuloy pa rin sa mga pagsisikap na malutas ang iba pang mga problema na kinasasangkutan ng North Korea, tulad na lamang ng nuclear at missile development nito.

Matatandaan, noong Mayo 2023, gumawa ng biglaang pangako si Kishida na magtatag ng mataas na antas ng negosasyon sa pagitan ng Japan at North Korea upang bigyang daan ang maagang summit kay Kim Jong Un.

Sa kabilang panig naman ay gumamit ng antagonistic rhetoric ang North Korea.

Hinihiling nito sa Japan na bayaran ang mga pinsalang dulot nito sa panahon ng World War II kung saan sinakop ng Japan ang Korea mula 1910 hanggang sa matapos ang digmaan noong 1945.

Samantala, nagpadala si Kim Jong Un ng mensahe ng pakikiramay kay Kishida noong unang bahagi ng Enero dahil sa isang nakamamatay na lindol na tumama sa gitnang Japan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble