PLANO ng gobyerno ng Japan na doblehin ang reserve fund para sa draft budget sa susunod na Fiscal Year para palakasin ang suporta sa mga naapektuhan ng lindol sa Noto Peninsula.
Ang inisyal na draft ng budget ay may nakalaan na limandaang bilyong yen o higit tatlong bilyong dolyar sa reserves nito.
Isinasaayos na ngayon ng mga opisyal para maiangat sa higit anim na bilyong dolyar ang reserve fund para maipagpatuloy ang tulong sa mga biktima ng lindol matapos ang bagong fiscal year na magsisimula sa buwan ng Abril.
Plano rin ng gobyerno na maglaan ng tatlong bilyong dolyar mula sa kasalukuyang Fiscal Year reserves para magpaabot ng tulong hanggang buwan ng Marso.
Matatandaan na bihira na baguhin ng gobyerno ang draft budget nito na tapos nang aprubahan ng gabinete.
Samantala, inaasahan naman na aaprubahan ang pagbabago sa susunod na Martes.