Japan, hinatulan ng kamatayan ang nanunog sa isang animation studio noong 2019

Japan, hinatulan ng kamatayan ang nanunog sa isang animation studio noong 2019

HINATULAN ng kamatayan ang isang Japanese dahil sa panununog sa isang Kyoto animation studio noong 2019 na naging sanhi ng pagkamatay ng 36 na katao.

Ang insidente ay isa sa pinakamalagim na insidente sa Japan sa nakalipas na dekada na pumatay sa maraming batang artists na siyang pundasyon ng sektor ng anime sa bansa.

Si Shinji Aoba, 45 taong gulang ay nag-plead ng guilty sa naging pag-atake pero ang kaniyang mga abogado ay humihiling ng mas mababang sentensiya dahil sa umano’y kaso nito ng mental incompetence.

Hindi naman tinanggap ng mga hukom ang dahilang ito at pinanindigan na alam ni Aoba ang kaniyang ginagawa.

Karamihan ng mga nasawing animation staff ay nasawi matapos na ma-trap sa ibabaw na mga palapag ng studio kasunod ng pagkalat ng apoy sa ilalim.

Hiniling ng prosecutors na patawan ng death penalty si Aoba na isang manunulat dahil inatake umano nito ang studio kasunod ng paniniwala na ninakaw ang kaniyang ginawa.

Nag-plagiarize umano ang Kyoto animation sa kaniyang nobela na kaniyang isinumite sa paligsahan na pinangunahan ng nasabing studio.

Matatandaan na pinapanatili ng Japan hanggang sa ngayon ang death penalty sa karamihan ng seryosong krimen sa bansa gaya ng multiple murders.

Ang Kyoani studio sa Kyoto ay minamahal ng maraming anime lovers dahil sa mga pelikula at manga na ginawa nito gaya ng K-On at The Melancholy of Haruhi Suzumiya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble