Japan, hinihikayat ang 37-M residente na magtipid sa kuryente

Japan, hinihikayat ang 37-M residente na magtipid sa kuryente

HINIHIKAYAT ng gobyerno ng Japan ang mga residente ng Tokyo at mga nakapalibot dito na magtipid sa kuryente ngayong araw kasabay ng babala na maaantala ang pagsusuplay nito dahil sa heatwave.

Dapat umanong patayin ng mga residente ang mga ilaw na hindi ginagamit pero maaari pa ring gumamit ng aircon para maiwasan ang heatstroke.

Ilang linggo na ring nagbabala ang mga opisyal ukol sa pagkaantala ng suplay ng kuryente dahil sa pagtaas ng temperatura.

Ngayong weekend, ang temperatura sa Central Tokyo ay umangat sa higit 35C habang ang Isesaki naman ay nakapagtala ng 40.2C na pinakamataas naman na temperatura na naitala sa Japan.

Matatandaan na buwan ng Hunyo ang marka ng pagsisimula ng tag-init sa Japan kung saan ang temperatura ay hindi na bumababa sa 30C ngayong buwan.

Sa isang statement, inihayag ng ministry na ang excess generating capacity para sa elektrisidad ay inaasahang bababa sa 3.7 percent sa Tokyo at ibang walong nakapalibot na prefecture rito.

Follow SMNI NEWS in Twitter