Japanese Learning Center, pinasara ng DMW dahil sa illegal recruitment

Japanese Learning Center, pinasara ng DMW dahil sa illegal recruitment

PINASARA ng Department of Migrant Workers (DMW) ang main office at ang apat na sangay ng Hikari Japanese Learning Center Corporation dahil sa ilegal na pagre-recruit ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) patungong Japan.

Pinangunahan nina Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac at iba pang mga opisyal ang operasyon ng pagsasara araw ng Huwebes sa Lungsod ng Maynila.

Walang lisensiya at awtoridad mula sa DMW ang Hikari Learning Center sa pag-aalok ng trabaho sa Japan sa ilalim ng Technical Internship Training Program at Specified Skilled Worker Program.

Sinabi ng ahensiya, nag-aalok ang Hikari Learning Center ng trabaho sa iba’t ibang sektor tulad ng hotel at restaurant service, pagproseso ng pagkain, pangangalaga, pagsasaka, at pagmamanupaktura ng pagkain at inumin.

Batay sa pagsisiyasat ng Migrant Workers Protection Bureau, naniningil ang Hikari ng mahigit 33K bayad sa apat na buwang language training, na maaaring bayaran nang installment. Pagkatapos, irerefer nila ang mga aplikante na pumasa sa Japan Foundation Test o JFT N4, Japanese-Language Proficiency Test o JLPT N4, at PROMETRIC Specified Skilled Worker Tests sa kanilang mga ka-partner na ahensya para sa deployment.

Haharap sa kasong illegal recruitment ang pamunuan ng Hikari Learning Center at ang kanilang mga opisyal ay isasama sa “List of Persons and Establishments with Derogatory Record” ng DMW, na nangangahulugang hindi na sila maaaring makilahok sa programa ng gobyerno para sa overseas recruitment.

Ang sabay-sabay na pagsasara ng punong tanggapan at apat na sangay ng Hikari ay ang unang operasyon ng Migrant Workers Protection Bureau ngayong taon laban sa illegal recruitment.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble