NAGBITIW na bilang chief ng naghaharing Liberal Democratic Party (LDP) si Japanese Prime Minister Fumio Kishida dahil sa pagkakasangkot ng kaniyang partido sa umano’y political funds scandal.
Ang LDP ay nahaharap ngayon sa samu’t saring batikos dahil sa mga alegasyon matapos na hindi magbigay ng ulat ang grupo ni Kishida sa kung magkano ang kanilang nalikom mula sa political fundraising parties at kung saan ang dagdag na kita maaaring ibinalik sa ilang mambabatas bilang mga kickback.
Subalit bago pa man magbitiw si Kishida, nauna nang nagbitiw ang mga naunang pinuno ng kanilang paksiyon sa panahon ng kanilang termino bilang punong ministro upang maiwasan ang paglitaw ng mga ganitong isyu.
Upang matapos na ang iskandalo, inutusan ni Kishida ang mga executive ng LDP noong Miyerkules na iwasang mag-host sa fundraising parties, ngunit dumarami ang mga panawagan para sa punong ministro na umalis na sa kaniyang paksiyon upang mabawing muli ang tiwala ng publiko sa naghaharing partido.
Dahil sa kinasasangkutan nitong iskandalo, bumagsak ang approval rating ng gabinete sa pinakamababang antas mula nang maging punong ministro si Kishida.
Nitong linggo lang ay napilitan itong tanggihan ang mga kaugnayan sa kontrobersiyal na Unification Church matapos maiulat ng Japanese Daily na nakipagpulong si Kishida sa mga senior figure ng organisasyon noong 2019.