Jeepney driver sa Mandaluyong, pangangalakal ang ikinabubuhay

Jeepney driver sa Mandaluyong, pangangalakal ang ikinabubuhay

DAHIL sa muling pag-iral ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa National Capital Region dulot ng malawak na banta ng COVID-19 sa lugar, marami pa rin sa ating mga kababayan ang hanggang ngayon ay apektado ang kabuhayan.

Kaya naman, iba’t ibang dikarte na sa buhay ang ginagawa para lang mabuhay.

Gaya na lamang ni Mang Armin Dulpo, isang jeepney driver, na taga-Mandaluyong, dahil tigil pasada at wala ring maayos na kita, sa pangangalakal ng bote siya umaasa sa kaniyang pang araw-araw na gastusin.

Sa kahabaan ng Boni Pintubo sa Mandaluyong City nakita ang nasabing jeepney driver na nag-aayos ng ilang basyo ng bote bilang kalakal nito.

Iipunin niya ito ng hanggang tatlong araw bago niya ito ibenta sa halagang otso pesos kada kilo.

Para sa kaniya, sapat na ang 100 hanggang 140 pesos na kita nito para sa kaniyang bigas, ulam at meryenda kung makaluwag- luwag.


Doble pa ang dagok niya ngayon dahil wala din siyang maayos na matutulugan dahil isa din pala ang kanilang bahay sa tinupok ng apoy nitong nakaraang sunog sa Blk. 40 Brgy.  Addition Hills noon buwan ng Nobyemrbe at wala rin siyang naisalbang mga kagamitan at dokumento kung kaya’t hindi rin siya makapaghanap ng mas maayos na biyahe.

Sa ngayon, sa kaniyang jeep muna siya nagpapalipas ng gabi.

Samantala, dahil sa kaniyang kalagayan, minsan ay tinutulungan din siya ng ilang tricycle driver na maghanap at maghatid ng mga plastik na bote para ipunin at kalauna’y ibibenta niya para makabili ng pagkain.

Sa ngayon isa lamang si Mang Armin sa marami pang jeepney driver ang nakakaranas ng kaparehong sitwasyon ngayong nakatigil ang pampublikong transportasyon.

Tanging hiling lang nila ang pang-unawa ngayon wala silang maayos na hanapbuhay at makain gayong wala din silang nakuhang ayuda mula sa gobyerno sa ilalim ng Social Amelioration Program ng pamahalaan.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.