ITINANGGI ang umano’y planong palitan ni Sen. Jinggoy Estrada sa puwesto si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Tuluyan nang tinuldukan ang maugong na usap-usapan na umano’y napipintong pagpapalit ng liderato sa Senado.
Sa isang ambush interview, mariing sinabi ni Sen. Jinggoy Estrada na walang tangkang palitan si Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri bilang Senate President.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Sen. Jinggoy sa gitna ng inaasahang umano’y kudeta kung saan siya ang napipisil na uupo sa mababakanteng puwesto ni Zubiri.
“To quell all speculations, there is no truth to it,” saad ni Sen. Jinggoy Estrada.
Una nang lumabas ang kuwento na umano’y pagtatangka ni Sen. Jinggoy na makuha ang pinakamataas na puwesto sa Senado sa nakaraang taon pero ‘di niya alam kung saan nanggaling ang nasabing usap-usapan.
Ayon naman kay Senadora Imee Marcos, totoo na may maraming tangka na palitan si Zubiri sa puwesto ngunit hindi ito nanggaling sa kaniyang mga kapwa senador.
“Yeah maraming ugong, maraming ugong pero lahat ng ugong galing sa Kongreso (Kamara), hindi sa mga senador. Nakakatawa nga eh. Palitan na lang kaya nila ‘yung speaker, ba’t nila papakialaman ang SP?” pahayag ni Sen. Imee Marcos.
Sa kasalukuyang Senado, kailangan ng 13 boto mula sa majority senators para matanggal sa puwesto ang Senate President.
Sa gitna nito nanawagan naman si Sen. Bong Revilla na mahalagang magkaisa ang mga mambababatas para hindi kawawa ang taumbayan.
“Basta importante magtrabaho na lang tayo dito sa Senado. Mahirap ‘yung puro bangayan eh. Kung tayo mag-aaway-away dito eh hindi na maganda ‘yun. Magkagatan kami dito sa sariling tahanan natin. Kaya ang panawagan ko ay sana magkaisa na lang lahat,” wika ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.