UMABOT na sa higit limang libo ang nagpre-register para sa ikakasang Philippine Tourism Job Fair ng Department of Tourism (DOT) at Department of Labor and Employment (DOLE) na magsisimula ngayong araw.
Sa datos ng DOT, nasa kabuuang 5,042 na ang nagparegister kung saan higit 1,388 sa Metro Manila, 3,074 sa Region 7 habang 580 naman sa Region 11.
Sa ngayon umabot na sa higit 8,000 bakanteng trabaho ang inaalok sa nasabing job fair kung saan nangunguna ang NCR sa may pinakamaraming job vacancy.
Sa Metro Manila 3,620 trabaho ang available, 2,091 sa Region 7 habang 2,510 sa Region 11.
Mula sa 147 na establisyimento sa Metro Manila, Cebu at Davao, kabilang sa mga trabaho na maaaring aplayan ay mula sa mga accommodation establishment, travel at tour services, mga pasilidad at tagapag-organisa ng Meetings, Incentives, Convention and Exhibitions (MICE), mga tourist transport operator, health and wellness services, restaurant o food service at iba pang tourism-related establishments.
Isasagawa ang Job Fair sa SMX Convention Center sa Pasay City, SM City Cebu at Abreeza Mall sa Davao.