NAKATAKDANG pirmahan ngayong buwan ang Joint Administrative Order (JAO) para sa pagtatayo ng farm-to-market roads (FMR) ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ibinahagi ni Pangulong Marcos ang development ng farm to market road projects ng pamahalaan.
Kasunod ng pag-apruba sa national timetable para sa pagtatayo ng farm to maket roads, ay lalagdaan ang Joint Administrative Order (JAO) kaugnay rito.
Gagawin ang signing sa pagitan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ngayong Disyembre.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang naturang administrative order ay magtatakda ng mga panuntunan para sa lahat ng farm to market roads.
Magiging interconnected ito sa iba pang proyektong pang-imprastraktura.
Layon din nito na matiyak ang matiwasay na paghahatid ng serbisyo at mapag-ibayo ang mga programa pang agrikultura.
Magkakatuwang sa infrastructure projects na ito ang Department of Agriculture (DA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of the Interior and Local Government, Department of Tourism, at Department of Trade and Industry.
Ang DA at DPWH, sa pakikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya, ay bumuo ng isang regional FMR network na nag-overlay sa mga iminungkahing proyekto ng FMR.
Kasama rito ang Strategic Agriculture and Fisheries Development Zone (SAFDZ)/ Network of Protected Areas for Agriculture and Agro-Industrial Development (NPAAAD) at mga lugar ng produksyon.
Pinangunahan ng dalawang ahensya ang isang inter-agency workshop sa paglo-locate maging ang mapping agriculture at fisheries production areas, markets, trading posts, umiiral na road networks at road conditions kasama pa ang proposed FMRs.
Inilahad pa ni Pangulong Marcos na nagsisikap ang gobyerno na maghanap ng alternatibo o kapalit ng urea at petroleum-based fertilizer.
Tinitingnan din ng pamahalaan ang available na teknolohiya kasama na rito ang paggamit ng biofertilizer bilang import substitute.
Nitong Oktubre, may kabuuang 43,223.17 kilometro ang iminungkahi para sa FMR projects.