JTF COVID shield at NCRPO, inatasang makipag-ugnayan sa LGUs para sa granular lockdown

JTF COVID shield at NCRPO, inatasang makipag-ugnayan sa LGUs para sa granular lockdown

INATASAN ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar sina Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lieutenant General Israel Ephraim Dickson at NCRPO Regional Director Police Major General Vicente Danao, Jr. na makipag-ugnayan sa local government units (LGUs) para sa pagpapatupad ng granular lockdown.

Ang granular lockdown ay pagsasara sa barangay na may mataas na kaso ng COVID-19.

Ayon kay Eleazar, ang pagpapatupad ng granular lockdown ay solusyon na nakikita ng ating pamahalaan upang balansehin ang pagbubukas ng ekonomiya at pagkontrol sa   pagkalat ng COVID-19.

Nabatid na 51 barangay na sa Metro Manila ang nasa ilalim ng granular lockdown.

Kasabay nito, hinikayat ng Chief PNP ang publiko na mahigpit na sundin ang patuntunan upang mahinto ang pagkalat ng virus.

Bukas, Setyembre 7, 2021 ay matatapos na ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa National Capital Region (NCR).

Granular lockdown lalo na sa Metro Manila, magpopokus sa tatlong uri ng industriya

Samantala, magpopokus ang magiging granular lockdown sa tatlong industriya ng lipunan ayon sa Metropolitan Manila Development Authority o MMDA.

Ang mga matataong lugar gaya ng simbahan at meeting halls, close contact areas gaya ng gyms at spas at closed areas gaya ng dine-in at restaurants.

Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, magkakaroon ng apat na alert levels para matukoy ang magiging operation ng nabanggit na industriya.

Alert Level 01 para sa maaaring magbukas; Alert Level 02 sa 50% capacity; Alert Level 03 naman sa 30% at Alert Level 04 kung ito ay magsasarado.

Sa ngayon naman ani Abalos, inaayos pa ang mga panuntunan hinggil sa granular lockdown.

BASAHIN: DTI, iminumungkahi ang MECQ at granular lockdown sa Metro Manila

SMNI NEWS