Juan Stop, Juan Go project ng LTO at Grab Philippines, nilagdaan na

NILAGDAAN ng Land Transportation Office (LTO) at Grab Philippines ang Juan Stop, Juan Go project na magbibigay tulong sa mga delivery riders.

Ayon kay LTO Assistant Secretary Edgar Galvante na ang mga riders ay isa sa mga nagbibigay serbisyo kung kayat kailangan rin silang ituring na frontliners.

Ang nasabing proyekto, ay magbibigay kaginhawaan sa mga delivery rider sa pamamagitan ng pagbibigay ng express lane na eksklusibo para sa kanila kapag sila ay nag-renew o kumuha ng bagong driver’s license o nagparehistro ng kanilang mga sasakyan.

Magbibigay din ang LTO ng pagsasanay para sa mga organized riders para sa kanilang kaligtasan sa kalsada dahil karamihan sa mga rider ay sangkot sa mga aksidente.

Ilulunsad ang proyekto ng LTO Juan Stop, Juan Go sa Lunes,  Disyembre  6 sa tanggapan ng LTO sa Cainta, Rizal.

Dagdag ng ahensiya, isa ito sa mga paraan para mapadali ang buhay ng mga rider at ang paraan na rin ng pagbabalik sa kanila dahil sa kanilang matapat at maayos na serbisyo sa ilalim ng new normal.

Nagpasalamat ang managing director ng Grab Philippines na si Grace Vera Cruz sa LTO dahil magiging easy and accessible para sa mga rider ang programang ng ahensiya.

Hinimok din ng LTO chief ang publiko na huwag makisali sa serbisyo ng mga fixer na nagsasabing nagbibigay ng lisensiya sa pagmamaneho nang hindi dumaan sa normal na proseso kapalit ng bayad.

SMNI NEWS