OPISYAL nang idineklara ng Malacañang ang Hunyo 24, 2025 (Martes) bilang isang special non-working holiday sa Lungsod ng San Juan, alinsunod sa Proclamation No. 929 na nilagdaan noong Hunyo 13.
Layunin ng proklamasyon na bigyang-daan ang mga mamamayan ng lungsod upang makibahagi sa taunang Wattah! Wattah! Festival, isang makulay na selebrasyon ng kapistahan ni San Juan Bautista.
Kilala ang San Juan sa basaan tradition, kung saan nagwiwisik ng tubig ang mga residente sa isa’t isa at sa mga dumadaan — isang simbolikong pagbabalik-loob o “spiritual cleansing.”
Ngunit ngayong taon, magpapatupad ng mahigpit na reporma ang lokal na pamahalaan upang maiwasan ang kaguluhan, gaya ng mga insidente noong nakaraang taon kung saan nabasa ang mga commuter na may importanteng lakad.
“May mga designated water zones tayo ngayon. Ipinagbabawal ang pambabasa sa labas ng mga ito,” ayon sa opisina ng alkalde.
Maglalagay ng security checkpoints at marshals sa mga pangunahing kalsada ng San Juan upang masigurong ligtas, masaya, at maayos ang selebrasyon.
Bukod sa basaan, tampok sa kapistahan ang religious procession, street dancing, at mga community fairs. Inaanyayahan ang mga residente at bisita na sumunod sa mga alituntunin upang maiwasan ang aberya at panatilihin ang diwa ng kapistahan.