UPANG higit na maprotektahan ang mga menor de edad laban sa mga mapagsamantalang kriminal at sindikato sa iligal na droga, iminungkahi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang muling pagrebyu sa Juvenile Justice Act of 2006.
Ikinababahala ng PDEA ang patuloy na pagtaas ng kaso ng mga menor de edad na nagagamit sa mga transaksyon ng iligal na droga sa bansa.
Kahapon, tatlong menor de edad ang nasakote ng mga otoridad mula sa isinagawang buy bust operation ng PDEA NCR Regional Special Enforcement Team sa Mandaluyong City.
Bitbit ng mga ito ang anim na kilo ng pinaghihinalaang shabu na may street value na P40 million.
Ayon sa mga batang suspek, napag-utusan lang sila ng hindi nila kilalang tao.
Mula sa Cavite, nagtungo ang mga ito sa isang park sa MOA para kunin ang isang sasakyan at kailangan itong maihatid sa itinurong lugar.
Ayon sa PDEA, dapat mabigyan ito ng pansin hindi lang ng mga magulang kundi maging ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga kabataan.
Ayon sa ahensya tila may problema sa batas na Juvenile Act dahil mas lalong nagagamit ang mga kabataan sa mga ganitong klaseng krimen.
Bagama’t malayo sa edad ang tatlong batang suspek na nahuli ng PDEA mula sa itinakdang gulang sa ilalim ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, na sinasabing hindi maaaring panagutin sa batas ang mga nakagawa ng krimen kapag sila ay may edad 15 anyos pababa.
Pero ayon sa ahensya mas mainam ma-review pa rin ang batas.
Paalala ng PDEA sa mga magulang, higpitan ang pagbabantay sa kanilang mga anak mula sa kung sino ang mga kasama at ano ang karaniwang ginagawa ng mga ito.
Bagay na makatutulong anila ito upang mailayo sa kriminalidad at kapahamakan ang mga bata.
Sa ilalim din ng Juvenile Justice Act, dapat i-rehabilitate sa mga shelter o “Bahay Pag-asa” ang mga batang nakagawa ng krimen sa halip na ikulong sa mga ordinaryong piitan.
Bagay na una nang tinutulan ito ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang naturang batas ang dahilan kung bakit dumadami ang mga krimeng kinasasangkutan ng mga bata.
Sa kabila ng pagtama ng pandemya sa bansa at sa mahigpit na drug operations and surveillance ng PDEA, umabot na sa pitong menor de edad ang nasakote ng ahensya sa kanilang mga operasyon na may kaugnayan sa pagbebenta at pagdidiliber ng mga iligal na droga.