HINIMOK ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito ang Department of Education (DepEd) na unahin ang pagkumpuni sa mga silid-aralan dahil ito ang pinakamadaling solusyon sa kakulangan at mas mabilis kaysa sa pagtatayo ng mga bagong gusaling pampaaralan.
Sa deliberasyon sa plenaryo sa panukalang 2024 badget of the DepEd nitong Huwebes, binigyang-diin ni Ejericto na ang pagkumpini ng mga silid-aralan ay mas praktikal na approach kaysa sa pagtatayo ng bagong gusali lalo na’t madalas na tinatamaan ng bagyo at iba pang kalamidad ang bansa bawat taon.
Base sa General Appropriations Bill (GAB), ang pondo para sa pagtatayo ng silid-aralan ay tumaas sa P24.6-B mula sa dating P19.6-B.
Subalit napansin ng senador mula sa San Juan na ang pondo para sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga silid-aralan ay bumaba sa P1.5-B mula sa dating P6.5-B.
Ayon sa DepEd, kailangan ng bansa ng 159,000 silid-aralan para sa susunod na school year. Sa kabuuang ito, may 440 silid-aralan ang nasira dahil sa bagyo at iba pang sakuna.
Ang kakulangan ng silid-aralan ngayong taon ay mas malala pa sa nagdaang taon kung saan kulang lamang ng 91,000 silid-aralan, ayon sa DepEd.
Sa Fiscal Year 2024 National Expenditure Program (NEP), naglaan ang DepEd ng P19.6-B para sa konstruksiyon ng mga bagong gusaling pampaaralan.