TO the rescue ngayon ang magkapatid na sina Senators JV Ejercito at Jinggoy Estrada sa kanilang ama na si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.
Kinontra ng dalawang mambabatas ang pahayag ni Rigoberto Tiglao sa kaniyang column araw ng Lunes na nagsasabing si Erap ang dating presidente na nangako sa China noong 1999 na tanggalin ang BRP Sierra Madre.
“That claim seems inconsistent, the mere fact President Estrada was the one who ordered the BRP Sierra Madre be grounded in Ayungin Shoal, it’s impossible he will commit to remove the same!” ayon kay Sen. JV Ejercito.
Sinabi ni JV na hindi niya alam saan galing ang pahayag at impormasyon ni Tiglao. Pero banat ni Ejercito na dapat tandaan ni Tiglao ang unang panghihimasok ng China sa Pilipinas sa pamamagitan ng NBN ZTE Deal.
Ayon kay Ejercito hindi ito consistent, dahil ang kanilang ama rin mismo ang nag-utos na ilagay ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Si Tiglao ang spokesperson ni dating Pangulong Gloria Arroyo nang mangyari ang maanomalyang NBN-ZTE deal.
Ito ang kontrata ng China sa Pilipinas para sa proyektong National Broadband Network ng pamahalaan.
Para naman kay Sen. Jinggoy, sinabi nito na binawi ng pamahalaan ang kasunduan, sakali mang may kasunduan, kaugnay sa pagtatanggal ng BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
“President has already spoken and declared last week that he has rescinded the arrangement or agreement if there was such agreement concerning the removal of BRP Sierra Madre in the Ayungin Shoal,” ani Sen. Jinggoy Estrada.
Sinabi rin ni Sen. Jinggoy na kinumpirma ni dating Defense Secretary Orly Mercado na walang napagkasunduan o pangako sa China na tanggalin ang BRP Sierra Madre.
Dahil dito ay nanawagan si Sen. Jinggoy sa China na ilahad ang pangalan ng presidente na nangako sa kanila na tanggalin ang BRP Siera Madre.