PAGKATAPOS ng isang linggong pagkakadetine sa loob ng Kamara, ay ni-release na ng House of Representatives ang dalawang SMNI hosts na sina Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz at Dr. Lorraine Badoy.
Umeere sa SMNI sina Celiz at Badoy sa Laban Kasama ang Bayan- programang inilaan para sa information war kontra CPP-NPA-NDF.
Unang na-contempt si Celiz matapos tanggihang ikanta ang source ng kaniyang tanong kung totoo bang umabot sa P1.8-B ang travel funds ng Office of the Speaker.
Sunod na na-contempt si Doctora Badoy matapos tanungin sa TV ads ng kanilang programa.
“Ang kalayaan ay pinandigan, ipinaglalaban- hindi ito ibinibigay. Ang karapatan sa Konstitusyon ay dapat nirerespeto ng pamahalaan at ito ang aming pinandigan,” pahayag ni Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz, SMNI Program Host.
Habang naka-detine sa Kamara, nagsagawa sina Celiz at Badoy ng hunger strike.
Hindi sila kumain ng kahit ano, at kumapit lamang sa buko juice at tubig.
At ngayong nakalabas na sila sa Kamara, tinapos na rin nila ang hunger strike.
“Gusto kong magpasalamat sa ating mga kababayan na narinig ang boses ninyo kasi we’re very clear that this is not about us. None of this is about me and Eric but our country. ‘Yung pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan,” ayon kay Dr. Lorraine Badoy, SMNI Program Host.
Nagkaisa ang mga kasapi ng House Committee on Legislative Franchises na bitawan ang dalawa dahil sa humanitarian considerations.
Nauna nang nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema ang kampo nina Celiz at Badoy para kuwestiyunin ang House detention.
Umaani naman ng suporta sina Celiz at Badoy mula sa mga dating kasapi ng Philippine Military Academy.
Isang manifesto na nilagdaan ng mahigit 100 dating Heneral ang inilabas para sa dalawa.
Nag-rally din sa harap ng Batasan Complex ang dating mga kadre ng CPP-NPA-NDF.
Panawagan ng former rebels, palayain sila Celiz at Badoy sa detention facility.
Dahil kung hindi, mas lalaki pa ang kanilang kilos-protesta at baka umabot pa ito sa Malacañang.
Ka Eric at Doc Lorraine, may panawagan kay Pangulong Bongbong Marcos
“Actually, na-touched kami talaga dahil tuloy-tuloy na lumawak ang mga former kadre, libo-libo kaming sumurrender. We hope the government will see it na are we still standing on just ground? Or do you have a ground to stand on? We hope na nakikinig si Pangulong Bongbong Marcos Jr. dito. Sapagkat saan kami pupunta na nagbalik-loob at yumakap sa kapayapaan at kumikilala sa gobyerno at nagpa-ilalim sa otoridad ng gobyerno kung kami pala ay nagsasalita tungkol sa transparency, good governance at ibinubulgar namin itong CPP-NPA-NDF nasa loob ng gobyerno, pwede pala kaming ikulong, ipatawag dito? ‘Yun po ang aming malaking katanungan, are we standing on the ground that we believe pwede kaming maging bahagi ng pamahalaan sa pagtatagumpay ng kapayapaan laban sa communist terrorism?” ayon pa kay Celiz.
Uuwi muna ang dalawa sa kani-kanilang pamilya upang ipagdiwang ang holiday season.
Bagama’t pinalaya na sila sa Kamara, magpapatuloy naman umano ang petition for certiorari nila sa Korte Suprema para i-protesta ang mga araw na sila’y kinulong.